P10.74-B border security project, ‘end-to-end’ upgrade isinusulong ng BI
ISINUSULONG ng Bureau of Immigration (BI) ang P10.74-billion border security project na gagamit ng artificial intelligence (AI) at biometrics para palakasin ang screening sa mga paliparan at hangganan ng Pilipinas.
Ayon sa BI, nangangailangan ang bansa ng ganap na pinagsama at pambansang sistema ng seguridad sa hangganan na higit pa sa saklaw ng NAIA.
Ito’y isang sistemang gumagamit ng artificial intelligence (AI), biometrics, at real-time na pagsusuri ng datos upang mahuli ang mga human trafficker, terorista, at iba pang kriminal bago sila makapasok o makalabas ng bansa.
Ayon pa sa ahensiya, ang iminungkahing Civil Aviation and Immigration Security Services (CAISS) ay nag-aalok ng ganitong kakayahan nang hindi gagastos ng kahit isang piso ang gobyerno.
Baka Bet Mo: Jinggoy Estrada inisyuhan ng arrest warrant, HDO ng Sandiganbayan
Sinabu ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval, saklaw ng CAISS ang 11 international airports, isang international seaport sa Zamboanga, at anim na border crossing stations sa Pilipinas.
Layunin ng proyekto na magkaroon ng end-to-end na sistema, mula sa data collection hanggang analysis, at hindi lamang nakasentro sa NAIA.
Inaasahan ding magkakaroon ng apat na taong technology refresh cycle upang matiyak na laging updated ang sistema nang hindi na kailangang gumastos pa ang pamahalaan.
Sinabi rin ng ahensya na walang magiging pinansyal na pasanin sa pamahalaan ang proyekto dahil user fees lamang mula sa mga gagamit nito ang magpopondo rito.
“Ang kagandahan ng proyektong ito ay end-to-end. Mula sa frontline operations, pagproseso ng datos, pangangalap ng impormasyon, hanggang sa pagsusuri nito, saklaw ng buong sistemang ito ang lahat ng iyon,” ani Sandoval.
“At hindi lamang ito nakasentro sa NAIA. Lahat ng international airports—mayroong 11 na gumaganang international airports na kasama rito—gayundin ang isang international seaport sa Zamboanga at anim na border crossing stations.
“Lahat ng ito ay magkakaroon ng end-to-end system, kabilang ang electronic gates, data processing, AI processing, at biometric capturing,” ani Sandoval.
Bukod sa mas mabilis na pagproseso ng mga biyahero, sinabi ni Sandoval na makatutulong ang CAISS upang mas matalinong masuri ng mga awtoridad ang mga pasahero.
“Maaari tayong magtakda ng mga parameter upang maayos at mauri ang datos o impormasyon. Magagamit natin ito para sa mas target na paraan ng pagmamanman sa mga partikular na pasahero,” paliwanag niya.
“Napakaganda ng sistemang ito, kaya ito ay seryosong isinasaalang-alang ng ahensya. Makakatulong ito upang makahabol tayo sa teknolohiya ng ibang mga bansa,” aniya pa.
Dumaan na sa Swiss challenge ang panukala at walang ibang kumpanyang nagsumite ng counter-offer, habang kasalukuyan pa itong sumasailalim sa interagency review at wala pang napipirmahang kontrata.
The post P10.74-B border security project, ‘end-to-end’ upgrade isinusulong ng BI appeared first on Bandera.
Reviewed by pinoyako
on
June 19, 2026
Rating:

No comments: