BREAKING NEWS

ALAMIN: Bakit dapat hindi laktawan ang sunscreen sa tag-init?

SA tindi ng sikat ng araw ngayong summer, hindi lang payong at tubig ang dapat baon, kundi pati sunscreen.

Nakausap ng BANDERA ang board-certified dermatologist na si Dr. Sheehan Mae Tolentino-Almadani ng Skin Avenue MD, at una niyang nilinaw ang kaibahan ng “sunblock” at “sunscreen.”

“Dati, ang ‘sunblock’ refers to physical or mineral products na nagre-reflect ng UV rays, while ‘sunscreen’ naman absorbs UV. Pero ngayon, outdated na ‘tong distinction. Most modern products are simply called sunscreen, and marami na ring formulations na combination of both mineral and chemical filters. So in practice, ‘sunblock’ is already considered a misnomer,” paliwanag ni doktora sa amin via message.

Pagdating naman sa pagpili ng tamang SPF, hindi kailangang sobrang taas agad.

Baka Bet Mo: Derma to the rescue: Paano iwasan ang bungang araw, sunburn tuwing tag-init?

Para sa daily use, sapat na ang SPF 30 pataas.

“SPF 30 blocks about 95% of UVB rays, while SPF 50 blocks around 97%—so konti lang ang difference,” paglilinaw ng dermatologist.

Mas mahalaga raw na tiyakin na ang gamit ay broad-spectrum sunscreen na may proteksyon laban sa parehong UVB (sanhi ng sunburn) at UVA (nakakapagdulot ng premature aging at skin cancer).

Hanapin din ang PA+++ o PA++++ para sa mas mataas na UVA protection.Hindi lang tuwing tag-init dapat gumagamit ng sunscreen, pero aminado ang eksperto na mas kritikal ito ngayong summer dahil sa mas mataas na UV index.

Nakakatulong ang sunscreen sa pag-iwas sa sunburn, pangingitim o pigmentation, at maging sa maagang pagtanda ng balat.Dagdag pa ni Dr. Shee, kahit maiikling exposure lang sa araw araw-araw, naiipon ang pinsala sa balat sa paglipas ng panahon.

Kaya hindi sapat ang isang beses lang na paglalagay nito.

Rekomendasyon ng dermatologist na mag-reapply ng sunscreen kada dalawang oras, lalo na kung nasa labas.

Kailangan din itong ulitin matapos pagpawisan, maligo sa dagat o pool, at kung nagpunas ng towel.

Huwag ding kalimutan ang mga bahagi ng katawan na madalas napapabayaan gaya ng tenga, leeg, labi, at kamay.

Kapag pinabayaan ang balat sa matagalang exposure sa araw, maaaring makaranas ng panandaliang epekto tulad ng sunburn, pamumula, hapdi, blistering, at pagbalat.

Ngunit mas seryoso ang pangmatagalang epekto nito gaya ng tinatawag na extrinsic aging: paglitaw ng fine lines, wrinkles, dark spots, uneven skin tone, at pagkawala ng elasticity ng balat.

Maaari rin nitong pataasin ang panganib ng skin cancer.

Bukod sa sunscreen, inirerekomenda rin ang multi-layered na proteksyon laban sa araw. Kabilang dito ang pagsusuot ng long sleeves o damit na may mataas na UPF (Ultraviolet Protection Factor), paggamit ng wide-brimmed hat at UV-protective sunglasses, at pag-iwas sa matinding sikat ng araw mula 10:00 a.m. hanggang 4:00 p.m.

Maaari ring magdagdag ng Vitamin C o iba pang antioxidants sa skincare routine upang labanan ang free radicals, ngunit paalala ng eksperto, supplement lang ito at hindi kapalit ng sunscreen.

The post ALAMIN: Bakit dapat hindi laktawan ang sunscreen sa tag-init? appeared first on Bandera.


Uploaded Image
ALAMIN: Bakit dapat hindi laktawan ang sunscreen sa tag-init? ALAMIN: Bakit dapat hindi laktawan ang sunscreen sa tag-init? Reviewed by pinoyako on May 01, 2026 Rating: 5

No comments:

Sora Templates

close