Villar naghain ng panukalang batas para isama ang ‘digital skills’ sa curriculum

BILANG tugon sa lumalawak na agwat sa digital literacy sa buong mundo, naghain si Sen. Mark Villar ng panukalang batas na naglalayong gawing bahagi ng pambansang kurikulum ang digital skills at edukasyon sa teknolohiya sa lahat ng antas ng pag-aaral sa bansa.
Ang Senate Bill No. 1705 o ang panukalang Digital Skills and Technology Education Act ay nag-aatas ng pagsasama ng digital literacy at mga asignaturang may kaugnayan sa teknolohiya sa kurikulum mula basic education hanggang higher education at mga technical-vocational program.
Ang panukala ay inihain kasunod ng ulat ng World Bank na Digital Progress and Trends Report 2025, na nagsasabing mas mababa sa 21% ng populasyon sa lower-middle-income countries ang may batayang digital skills.
Mas mataas ito sa upper-middle-income countries na nasa 38%, at sa high-income countries na umaabot sa 66%.
Baka Bet Mo: Villar inihain ang Vision Care for Kids Act: Gagawing abot-kamay para sa mga bata
Sa Timog-Silangang Asya, nananatiling hindi pantay ang antas ng digital literacy, kung saan tinatayang 47% lamang ng mga respondente sa piling bansang ASEAN ang itinuturing na mataas ang kakayahan sa mahahalagang digital na aspeto.
Marami pa ring Pinoy, lalo na sa mga liblib at kulang sa serbisyong lugar, ang nahaharap sa kakulangan sa access at kasanayan sa teknolohiya.
Ayon kay Villar, mahalagang matugunan ang mga kakulangang ito upang mapanatili ang pagiging kompetitibo ng bansa sa isang mundong pinapagana ng teknolohiya.
"Sa makabagong digital na mundo, ang kahusayan sa teknolohiya ay hindi na opsyonal — ito ay mahalaga para sa personal na pag-unlad, pakikilahok sa ekonomiya, at pambansang kaunlaran," sey ni Villar.
Paliwanag pa niya, "Sa pagsasama ng digital skills sa ating sistemang pang-edukasyon, namumuhunan tayo sa kinabukasan ng ating kabataan at inilalagay ang Pilipinas sa mas matatag na posisyon sa pandaigdigang digital economy."
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1705, obligadong isama sa kurikulum ang digital literacy at parehong basic at advanced digital skills, kabilang ang:
- Coding at programming
- Data analytics
- Cybersecurity
- Web at mobile application development
- Iba pang makabagong asignaturang pangteknolohiya
Inaatasan din ng panukala ang pagbibigay ng tuloy-tuloy at komprehensibong pagsasanay sa mga guro upang matiyak na may sapat silang kaalaman at kakayahan sa pagtuturo ng digital skills at paggamit ng teknolohiya sa loob ng silid-aralan.
Magkakaroon din ng standardized assessments upang masukat ang antas ng digital proficiency ng mga mag-aaral at masuri ang kabuuang implementasyon ng programa.
Itinatakda ng panukala na ang Department of Education (DepEd), sa pakikipag-ugnayan sa Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Department of Information and Communications Technology (DICT), ang magbabalangkas ng implementing rules and regulations sa itinakdang panahon matapos maisabatas ang panukala.
Itinataguyod din ng panukala ang aktibong pakikipagtulungan sa pagitan ng mga paaralan, mga ahensya ng pamahalaan, at pribadong sektor — partikular ang information and communications technology (ICT) industry — upang makapagbigay ng aktuwal na exposure, internship, updated na kurikulum, at hands-on learning experiences para sa mga mag-aaral.
Magmumula sa pambansang badyet ang pondo para sa pagpapaunlad ng imprastruktura, pagsasanay ng mga guro, pagpapatupad ng programa, at pangmatagalang pagpapanatili nito.
Binigyang-diin ni Villar na ang panukala ay nakaayon sa layunin ng estado na magtatag ng isang makabuluhan at makabagong sistemang pang-edukasyon.
Sa pamamagitan ng maagang paghubog ng digital competencies ng mga mag-aaral, inaasahang mapapalakas ang ekonomiya at mapapahusay ang kakayahan ng Pilipinas na makipagsabayan sa pandaigdigang digital na panahon.
Ang Senate Bill No. 1705 ay kasalukuyang nakabinbin sa Senate Committee on Education at iba pang kaugnay na komite para sa karagdagang pagtalakay.
The post Villar naghain ng panukalang batas para isama ang 'digital skills' sa curriculum appeared first on Bandera.

No comments: