2 Pinay sumali sa Global Awards Council ng She Shapes AI para sa 2025-2026

ITINALAGA ng She Shapes AI ang dalawang babaeng may dugong Pilipino, ang Filipino-British na negosyanteng si Gina Romero at AI founder na si Anna Mae Yu Lamentillo, sa 2025-2026 Global Awards Council.
Para sa kaalaman ng marami, ang council ay may 14 miyembrong lupon na tutulong pumili ng susunod na hanay ng mga magwawagi na nagsusulong ng etikal, inklusibo, at may makabuluhang epekto na artificial intelligence.
Kabilang sa buong talaan ng mga miyembro ng konseho sina Galit Ariel, Angela Aristidou, Gina Romero, Sheena Bhalla, Ivana Feldfeber, Claudia Del Pozo, Shikoh Gitau, Nnenna Nwakanma, at Susan McPherson.
Makakasama rin nila ang limang inaugural na nagwagi ng She Shapes AI na magbabalik bilang mga hurado: sina Anna Mae Yu Lamentillo, Alicia Combaz, Branka Panic, Dr. Elizabeth M. Adams, at Jenny Romano.
Baka Bet Mo: Anna Mae Lamentillo kinilala sa One Young World Indigenous Advisory Circle 2025–2026
Igagawad ang She Shapes AI Awards sa April 16 sa London School of Economics (LSE).
Si Romero ay isang Filipino-British na negosyante, tagapagbuo ng komunidad, at tagapagtaguyod ng teknolohiya, at ang Founder at Head of Special Projects ng Mettamatch, isang kumpanyang nagbibigay ng etikal na data at AI services.
Matagal nang nakatuon ang kanyang gawain sa pagpapalakas ng kabuhayang pangkababaihan at pagpapalawak ng akses sa mga digital na oportunidad, mula sa mga naunang inisyatiba sa pagbuo ng komunidad sa UK hanggang sa paglulunsad ng mga programang Connected Women sa Singapore, at kalaunan ay pagtulong sa pagbuo ng Connected Women sa Pilipinas bilang isang job-matching platform para sa mga Pilipinang freelancer.
Mula noong 2020, pinalawak ng Connected Women ang gawain nito tungo sa socially responsible AI outsourcing at data services sa pamamagitan ng Mettamatch, na iniaayon ang inklusyon sa workforce sa responsableng pag-develop ng AI.
Si Lamentillo naman ay ang founder ng NightOwl AI, isang kumpanyang may malinaw na misyon na gumagamit ng AI upang mapangalagaan ang mga nanganganib na wika at labanan ang digital exclusion.
Bilang miyembro ng Karay-a ethnolinguistic group sa Pilipinas, bumubuo siya ng mga inklusibong translation at learning tools para sa mga komunidad na madalas maiwan sa digital na ekonomiya, kung saan mahigit dalawang milyong salita at depinisyon mula sa mga hindi gaanong nare-representang wika ang na-digitize na.
Bago itinatag ang NightOwl AI, nagsilbi siya sa matataas na posisyon sa apat na administrasyon sa Pilipinas, kabilang ang pagiging Undersecretary sa Department of Information and Communications Technology, karanasang humubog sa kanyang pagtutok sa pag-uugnay ng pampublikong polisiya at teknolohiya para sa inklusibong pag-unlad.
Ngayong buo na ang konseho, sinabi ng She Shapes AI na makikipagtulungan ang grupo sa iba't ibang kontinente upang kilalanin at itampok ang mga babaeng humuhubog sa AI para sa kabutihang panlipunan at nasusukat na tunay na epekto sa mundo.
The post 2 Pinay sumali sa Global Awards Council ng She Shapes AI para sa 2025-2026 appeared first on Bandera.

No comments: