Willie Revillame inisa-isa mga ari-arian: Hindi po ako naghihirap!

MARIING pinabulaanan ng veteran TV host na si Willie Revillame na naibenta na niya ang kanyang mga bonggang properties dahil naghihirap na siya.
Nakachikahan ng BANDERA at ilan pang miyembro ng entertainment media si Willie sa launching ng bago niyang game show, ang "Wilyonaryo" nitong nagdaang January 20.
Nausisa ang beteranong TV host tungkol sa mga naglabasang balita sa social media na naghihirap na siya matapos ngang magbenta ng kanyang mga ari-arian. Aniya, fake news ang lahat ng ito.
"Hindi totoo yun, eh. Minsan natatawa na lang ako eh or kung saan nila kinukuha yun. Hindi mo alam kung kino-content ka or may galit sa 'yo.
"Ganito lang yun, eh. Kung meron kang property na may nagkagusto at kikita ka ng doble, hindi mo ba ibebenta? So, mag-i-invest ka uli," paliwanag ni Kuya Wil.
Pagpapatuloy pa niya, "May bago akong resort sa Puerto Galera. May pinapaganda ako roon na high-end hotel. Meron akong biniling dalawang floor sa isang penthouse sa BGC. Buong floor hindi lang isang unit. May 800 square meters each.
"May binili rin akong apat na unit sa isang condominium sa tapat ng mall sa BGC," pag-iisa-isa niya sa kanyang properties.
"Isa lang ang naibenta kong property sa Tagaytay kasi sobrang laki. Hindi ko na rin maasikaso. May tatlo akong chopper. May yate pa rin ako na binili ko ng $10 million or P580 million.
"Ayoko na sanang sabihin ito baka sabihin ninyo nagyayabang ako. Kaso gusto kong sabihin na hindi naman ako naghihirap. Pinaghirapan ko ang mga ito," aniya.
"Kaya pinasasalamatan ko ang ABS-CBN, TV5, GMA, at ALLTV. Lahat ng ito ay buong loob na tinulungan ako. Pero siyempre ang pinakaimportante sa lahat ay yung mga tao na sumuporta sa lahat ng programa ko.
"Kung hindi dahil sa kanila lalo na yung mahihirap at masa wala ako. Kapag ayaw sa'yo ng mga tao hindi ka magre-rate," pahayag pa ni Kuya Wil.
Mapapanood na ang "Wilyonaryo" simula sa January 25 sa mismong website na ng show, wilyonaryo.com.
The post Willie Revillame inisa-isa mga ari-arian: Hindi po ako naghihirap! appeared first on Bandera.

No comments: