Pagsuko ni Bong Revilla dapat tularan ng ibang ‘wanted person’ – Nartatez

HINIKAYAT ni acting PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., ang iba pang pinaghahanap ng batas na tularan si dating Sen. Bong Revilla, Jr., sa pagsuko sa Criminal Investigatiion and Detection Group (CIDG) kagabi.
Pagdiriin ni Nartatez dapat ang mga nagsasabi na sila ay inosente sa mga alegasyon sa kanila ay magkarooon din ng lakas ng loob na harapin sa korte ang mga nag-aakusa sa kanila at hindi dapat nagtatago.
Ito aniya ay paggalang sa proseso at sa korte.
Sumuko sa tanggapan ng CIDG sa Camp Crame kagabi si Revilla matapos ipag-utos ng Sandiganbayan ang pag-aresto sa kanya at ilang mga dating opisyal at kawani ng Public Works and Highways (DPWH).
Samantala, sinabi ni Interior Sec. Jonvic Remulla na sa pitong indibidwal na inisyuhan ng arrest warrant, tanging si Emelita Juar na lamang ang pinaghahanap ng mga awtoridad.
Bukod kay Revilla, nasa kustodiya din ng CIDG si Christina Mae Pineda.
Inaresto naman ng National Bureau of Investigation (NBI) sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at Juanito Mendoza.
The post Pagsuko ni Bong Revilla dapat tularan ng ibang 'wanted person' – Nartatez appeared first on Bandera.

No comments: