Ice Seguerra may pasabog agad sa 2026: Mas marami akong kwento!

ISANG one-night-only homecoming show ang muling ihahandog ni Ice Seguerra matapos mapanood at purihin ang memoir concert nito, ang "Being Ice: Live!"
Magbabalik ito para sa isang gabi na punumpuno ng magagandang musika at performance sa makasaysayang New Frontier Theater sa Cubao sa February 27, 2026.
Itinuturing na pagbabalik sa pinagmulan ni Ice ang konsiyerto dahil sabi nga ng kanyang asawang si Liza Diño-Seguerra, pagbabalik-Cubao ito ni Ice dahil matagal siyang nanirahan at ang kanyang pamilya sa Cubao, malapit sa New Frontier Cinema.
"All roads lead to Cubao, at para sa 'kin dito nagsimula ang lahat—literally. Pinapanood n'yo ako rito bilang child star, at ngayon, mapapanood n'yo muli ako bilang ako. This place won't just remember me, it will hear me.
"No'ng batang maliit ako (yes, maliit), madalas sa Cubao ang premiere nights ng mga pelikula namin noon kaya homecoming 'to for us! I am still that little kid who fell in love with performing, mas marami lang akong kwento ngayon. Kitakits sa February 27, 2026!" pag-alala ni Ice sa isa niyang social media post.
Orihinal na itinanghal bilang isang intimate, cinematic na paglalakbay sa buhay ni Ice, ang "Being Ice: Live!" ang concert experience na lubos na aalingawngaw sa mga tagahanga hindi dahil sa pagiging emosyonal kundi itinuturing ng magaling na singer bilang isa sa honest performance to date.
Available na ang tiket para sa February 27, 2026 concert ni Ice sa Ticketnet Online.
Produced by Fire and Ice Live, ito ang magsisilbing unang pasabog ni Ice para sa 2026.
The post Ice Seguerra may pasabog agad sa 2026: Mas marami akong kwento! appeared first on Bandera.

No comments: