Bride-to-be na nawala hindi namalayang nakarating sa Pangasinan, iniimbestigahan pa

WALANG balak pumunta sa Pangasinan si Sherra de Juan, ang bride-to-be na nawala nang mahigit dalawang linggo, ayon sa recent update ng Quezon City Police District (QCPD).
Si Sherra ay ini-report sa mga pulisya na missing matapos siyang huling makita noong December 10 sa isang mall sa Quezon City habang namimili ng wedding shoes.
Natagpuan siya nitong Lunes, December 29, sa Pangasinan at iniluwas sa kanilang tahanan sa QC noong Martes ng madaling araw, December 30.
"Ang sabi niya is nagbago ang isip niya na sa FCM (Fairview Center Mall) siya pupunta, kaya sumakay siya ng UV Express para pumunta sa Ever Mall," sey ni QCPD public information chief Maj. Jennifer Gannaban sa mga reporter sa Camp Karingal, na iniulat ng INQUIRER.
Baka Bet Mo: Nawawalang bride-to-be natagpuan sa Pangasinan: 'Alive and well'
Ayon kay Gannaban, nawalan ng malay si Sherra habang nasa biyahe.
"'Yun 'yung namalayan niya sa Mangaldan, Pangasinan na siya," dagdag ni QCPD public information chief.
Kwento pa niya, "May nabanggit po siya na may kasama doon sa pagsakay niya sa van is may dalawang lalaki at tsaka 'yung driver. Pero apart from that, wala na po siyang ibang details na nabanggit."
Natagpuan si Sherra ng isang concerned citizen na kinilala lamang bilang "Rodel" ni Gannaban.
Ayon sa ulat, pauwi sa trabaho si Rodel nang makita niya ang missing bride-to-be sa isang bypass road sa bayan ng Sison nitong Lunes ng umaga, December 29.
Agad na nakilala ni Rodel si Sherra at tinulungan siyang makontak ang fiancé na si Mark Arjay Reyes bandang tanghali gamit ang mobile number na naka-post sa social media, ayon sa QCPD.
Nauna nang ibinalita ng QCPD na ipinaliwanag ni Sherra sa Sison Municipal Police Station na tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad, ngunit hindi malinaw kung gaano katagal.
Sinabi rin ng QCPD na dumating ang mga pulis at pamilya ng bride-to-be upang sunduin siya sa Sison bandang alas-4 ng hapon noong December 29.
Ayon kay Gannaban, humingi ng paumanhin si Sherra sa kanyang fiancé at pamilya dahil sa nangyari.
Nauna nang sinabi ng QCPD na sumailalim si Sherra sa medical assessment pagdating sa Quezon City, at napag-alaman na nakaranas siya ng nausea at posibleng may acid-peptic disease.
Sa isang Facebook post, nagpasalamat si Reyes sa mga pulis at nanawagan sa publiko na ipagdasal ang paggaling ng kanyang fiancé.
"At this time, we are still not fully aware of everything that happened, as my fiancée is not yet able to clearly remember the entire incident. We respectfully ask for understanding as we allow her the time and space to recover," paliwanag ni Reyes.
"Her health is our top priority, especially as she has lost a significant amount of weight and needs proper care, rest and healing both physically and emotionally," aniya.
The post Bride-to-be na nawala hindi namalayang nakarating sa Pangasinan, iniimbestigahan pa appeared first on Bandera.

No comments: