LTFRB sinuspinde taxi na nag-overcharge kay TXT Soobin, operator pinagpapaliwanag

NAGLABAS ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa operator ng taxi unit na sangkot sa umano'y overcharging kay K-Pop idol Choi Soobin.
Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, inutusan ang operator na ipaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang kanyang prangkisa dahil sa insidente na nag-viral sa social media.
Itinakda ang pagdinig sa kaso sa darating na April 21 bilang bahagi ng due process.
Batay sa paunang imbestigasyon ng opisina ng LTFRB sa Central Visayas (LTFRB-7), natuklasan ng awtoridad na nag-overcharge ang taxi driver at sinadyang hindi ginamit ang taxi meter sa biyahe.
Baka Bet Mo: Taxi driver na nag-overcharge kay TXT Soobin iniimbestigahan, hinahanap ng LTFRB
Ang taxi unit na sangkot ay may body number na 4351, at naganap ang umano'y paglabag nang sumakay si Soobin mula sa Mactan-Cebu International Airport.
Bilang agarang aksyon ng ahensya, sinuspinde ang taxi unit nang 30 araw o isang buwan.
Inutusan din ang operator na isuko ang license plate ng sasakyan at ang lisensya ng driver na sangkot sa insidente.
Ayon kay Mendoza, ang viral video na nagdokumento ng pangyayari ay malakas na ebidensya sa kaso.
"This is a serious offense especially that this incident puts the name of our country in bad light in the international community. The viral video itself is already strong evidence," sey niya.
Ayon sa LTFRB, maaaring harapin ng operator ang karagdagang administrative sanctions, kabilang ang posibleng revocation ng Certificate of Public Convenience (CPC), depende sa magiging resulta ng pagdinig.
Sinabi ng awtoridad na ang paglabag ay saklaw ng umiiral na mga patakaran ng LTFRB para sa mga pampublikong sasakyan.
Sabi ni Mendoza, ang kaso ay hindi lamang tatalakayin sa administrative level, kundi magsisilbi ring patibay sa ahensya para sa mas mahigpit na polisiya laban sa mga abusadong taxi practices.
"We are with the taxi drivers who follow the rules and regulations but we will make sure that we will send a strong message on what will happen if they ignore and defy the rules and regulations at the expense of the passengers," dagdag niya.
Ayon sa awtoridad, bahagi ito ng mas malawak na hakbang para palakasin ang proteksyon ng pasahero at tiyakin ang pananagutan ng mga operator ng pampublikong sasakyan.
The post LTFRB sinuspinde taxi na nag-overcharge kay TXT Soobin, operator pinagpapaliwanag appeared first on Bandera.

No comments: