BREAKING NEWS

Espada, sibat, pakpak ni San Miguel Arcangel sa simbahan ng Bulacan nawawala

Espada, sibat, pakpak ni San Miguel Arcangel sa simbahan ng Bulacan nawawala

NAWAWALA ang mga sagrado at banal na gamit ni San Miguel Arcangel sa Diocesan Shrine and Parish of San Miguel Arcangel sa Bulacan.

Ayon sa ulat, nadiskubre ang  insidente kahapon, April 4, Sabado de Gloria, na ikinagulat ng mga taga-San Miguel, Bulacan.

Sa official statement ng Ang Kalasag – Diocesan Shrine and Parish of San Miguel Arcangel, ang mga nawawalang gamit ay ang espada, sibat, kalasag at pakpak ng rebulto na pawang gawa sa pilak.

Agad namang nakipag-ugnayan sa San Miguel Police Station ang mga taga-simbahan para sa matukoy kung ano talaga ang nangyari sa pagkawala ng mga banal na gamit ni San Miguel Arcangel.

Baka Bet Mo: Simbahan sa Marikina unang 'minor basilica' sa ilalim ni Pope Leo XIV

Nanawagan din ang simbahan sa mga taong posibleng may hawak ng mga nawawalang gamit na ibalik na ang mga ito sa kinauukulan.

Kung maaari, iwan na lamang ito nang palihim sa pintuan ng simbahan para masiguro ang ligtas na pagbabalik ng mga ito.

Narito naman ang kabuuan ng opisyal na pahayag ng parokya, mula kina RDO P. Avelino Sampana, rektor at kura paroko, at RDO P. Philip Faustino Volante, bikaryo ng parokya.

"Minamahal naming mga kaparokya at deboto ni San Miguel Arcangel, sumainyo ang kapayapaan ni Kristo.

"Lubos naming ikinalulungkot na ipaalam sa publiko ang naganap na pagnanakaw sa mga sagradong gamit ni San Miguel Arcangel. 

"Natuklasan ang pagkawala ng mga nasabing gamit ngayong Abril 4, 2026 sa ganap na ika-9 ng umaga.

"Ang mga gamit na ito ng ating Patrong Sakdal Giting ay ang Pakpak, Kalasag, Sibat at Espada na pawang mga gawa sa pilak. 

"Ang mga ito ay simbolo ng debosyon ng ating bayan at bahagi ng kasaysayan at pananampalataya ng mga taga San Miguel na hindi matutumbasan ng anumang halaga.

"Kasalukuyan na po kaming nakikipagtulungan sa San Miguel Police Station para sa agarang imbestigasyon ng insidente. Kami ay nananawagan sa sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan sa amin o sa mga awtoridad.

"Para sa mga taong kasalukuyang may hawak ng mga gamit na ito: Kami ay nagsusumamo na inyong igalang ang kabanalan ng mga ito. 

"Maaari ninyong ibalik ang mga gamit nang lihim sa pintuan ng simbahan. Ang aming hangad ay ang ligtas na pagbabalik ng mga sagradong kayamanang ito.

"Hinihiling din namin ang panalangin ng bawat isa para sa mabilis na pagresolba ng sitwasyong ito.

"Kaawaan nawa tayo ng Diyos."

The post Espada, sibat, pakpak ni San Miguel Arcangel sa simbahan ng Bulacan nawawala appeared first on Bandera.


Espada, sibat, pakpak ni San Miguel Arcangel sa simbahan ng Bulacan nawawala Espada, sibat, pakpak ni San Miguel Arcangel sa simbahan ng Bulacan nawawala Reviewed by pinoyako on April 04, 2026 Rating: 5

No comments:

Sora Templates

close