Ivana Alawi minukbang ni Joshua Garcia; JMFyang proud sa ‘Love is Never Gone’
HIYAWAN at palakpakan ang mga nakapanood sa pilot episode ng seryeng “Love is Never Gone” nang ipakita na ang halikan at love scene nina Joshua Garcia at Ivana Alawi.
Kahapon, April 28, ginanap ang grand mediacon at special screening ng latest offering ng Dreamscape Entertainment sa Gateway Mall 2 Cinema na dinaluhan ng cast members at ng buong production.
Siyempre, present ang lead stars na sina Joshua at Ivana, kasama sina Jameson Blake, Jane Oineza, Michael De Mesa, Epy Quizon, Dina Bonnevie, Ara Mina at ang tambalang Fyang Smith at JM Ibarra with their directors Manny Palo and Jojo Saguin.
In fairness, parang nanonood kami ng isang international action-romance-drama film habang ipinalalabas ang pilot episode ng “Love is Never Gone”.
Bukod kasi sa palabang aktingan ng cast members at sa maaaksyong eksena ay tampok din sa serye ang magagandang tanawin sa Morocco kaya para ka na ring nanonood ng foreign movie.
Pero ang isa nga sa nagmarka sa lahat ng mga nakapanood sa special cut ng pilot episode ng serye ay ang kissing scene at love scene nina Ivana at Joshua.
Talagang sigawan at super clap ang audience habang minumukbang ni Joshua si Ivana sa kanilang romansahan. Kung gaano ka-intense ang naturang intimate scene, kayo na ang humusga mga ka-BANDERA!
Grabe rin ang suportang ibinigay ng fans kina JM at Fyang na pasabog din ang mga karakter sa serye. Talagang sumugod sila sa Gateway Mall 2 para makita up close and personal ang magka-loveteam kasama ang iba pang cast.
Sey ng JMFyang, proud na proud sila at feeling grateful dahil napasama sila sa isang napakagandang serye ng ABS-CBN, lolo na ang makatrabaho ang magagaling at nirerespetong veteran stars sa mundo ng showbiz.
Anyway, susugal na nga sina Joshua at Ivana sa mapangahas na pag-ibig para sa kanilang unang tambalan sa romance-suspense series ng ABS-CBN na “Love is Never Gone,” ang unang Filipino series na kinunan sa Morocco na mapapanood sa Prime Video simula sa May 8 (Biyernes).
Gaganap si Joshua bilang si Teo, isang mekaniko at breadwinner na lumipad sa Morocco para maging OFW.
Magugulo ang buhay ni Teo nang komprontahin niya si Yana (Ivana), isang miyembro ng ilegal na grupo, matapos nitong nakawin ang kanyang wallet na ginawa lamang nito upang matustusan ang pagpapagamot sa kanyang inang may sakit.
Mauuwi sa isang delikadong pag-iibigan ang kanilang pagtatagpo sa pag-aakala ni Teo na pinagtaksilan siya ni Yana kaya siya nakulong.
Makalipas ang ilang taon at sa pag-uwi ni Teo sa Maynila, muli niyang makikita si Yana pero ibang katauhan na ang gamit nito.
Sa pagpasok nila sa isang mundong puno ng krimen at paghihiganti, matutuklasan ni Teo ang isang mabigat na sakripisyo na inilihim ni Yana na muling susubok sa kanilang pag-iibigan sa kabila ng matinding pagtataksil.
Ka-join din sa cast ng “Love is Never Gone” sina JC Alcantara, Rans Rifol, Kiko Matos, Argel Saycon, Heart Ramos, Alex Medina, Benj Manalo, Carlo San Juan, at may special participation din si Irma Adlawan.
Mula ito sa direksyon nina Manny Palo at Jojo Saguin, sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment na nasa likod ng ilang mga hit series ng ABS-CBN tulad ng “Linlang,” “Saving Grace,” “Dirty Linen,” at “The Alibi.”
Huwag palampasin ang matitinding tagpo sa ngalan ng pag-ibig sa “Love is Never Gone,” na eksklusibong mapapanood sa Prime Video simula sa May 8.
The post Ivana Alawi minukbang ni Joshua Garcia; JMFyang proud sa ‘Love is Never Gone’ appeared first on Bandera.
Reviewed by pinoyako
on
April 29, 2026
Rating:

No comments: