Robin Padilla nag-share ng tips para iwas-sunog: Magbantayan po tayo

MISMONG si Sen. Robin Padilla na ang nagpaalala sa publiko na triplehin ang pag-iingat para maiwasan ang sakuna dulot ng sunog.
Bilang bahagi ng pagdaraos ng National Prevention Month ngayong buwan ng Marso, nagbigay babala ang action star at senador sa madlang pipol para iwas-sunog.
Ang National Fire Prevention Month ay mula sa Proclamation No. 115-A at ginugunita tuwing March para magbigay ng awareness sa publiko para maiwasan ang sunog.
Nag-post ng video si Padilla sa kanyang Facebook page kung saan nagbigay nga siya ng tips para makaiwas sa sunog bilang chairperson ng Committee on Public Information and Mass Media sa Senado.
"Ang kaligtasan ay nagsisimula sa pag-iingat," simulang pagbabahagi ni Sen. Robin.
Dapat daw siguruhin ng bawat pamilyang Pilipino ang tama at wais na pagkonsumo ng kuryente, kabilang na ang pagsasaayos ng mga kagamitan sa loob ng bahay.
"Siguraduhin po natin ang maayos na paggamit ng kuryente, iwasan ang mga sirang kawad, at huwag pababayaan ang mga kagamitang maaaring pagmulan ng sunog," saad ng senador.
Dagdag pa niya, "Maging mapagmatyag tayo sa ating mga tahanan at komunidad at agad tugunan ang anomang maaaring magdulot ng panganib o sunog.
"Ang isang maliit na pagkukulang ay maaaring magdulot ng napakalaking panganib sa ating tahanan ang komunidad," paalala pa niya.
Pagpapatuloy pa niya, "Patuloy po nating suportahan ang mga programang nagpapalakas sa kahandaan ng ating komunidad laban sa sunod at iba pang sakuna.
"Mag-ingat tayo, magbantayan tayo, at magtulungan upang mapanatiling ligtas ang bawat tahanan," sey pa niya.
The post Robin Padilla nag-share ng tips para iwas-sunog: Magbantayan po tayo appeared first on Bandera.

No comments: