Princess Punzalan: Sa Pinas ako pinagsisilbihan, dito sa US ako ang nagsisilbi

MATINDING challenge ang hinaharap ng iconic contravida na si Princess Punzalan bilang isang nurse sa Amerika.
Nagtatrabaho ngayon ang 57-anyos na aktres sa Los Angeles Medical Center, na itinuturing n isa sa pinakamalaking ospital sa US.
Ayon kay Princess, marami siyang nakikita at ginagawa bilang nurse na sa tingin niya ay hindi kayang sikmurain ng nakararami.
"Hindi ko nga inambisyon na mag-Amerika kasi ang akala ko talaga, sa buong buhay ko, hanggang tumanda na ako, sa Pilipinas ako," ang pahayag ni Princess sa panayam ng broadcast journalist na si Luchi Cruz-Valdez para sa kanyang YouTube channel.
Nagdesisyon ang aktres na lisanin ang Pilipinas dahil sa kanyang American husband na si Jason Field, "Sabi niya, mas marami daw siyang opportunity sa Amerika. So ako yung pumunta dito."
Halos 20 years na ngayong naninirahan sa Amerika si Princess kasama ang kanyang asawa at nag-iisa nilang anak.
Kuwento ni Princess, ang talagang gusto niyang kuning kurso noon sa US ay psychiatry, pero ayon sa kanyang mister ay may edad na siya para rito.
Kaya ang ending, nag-aral siya ng nursing at natapos niya ito sa loob ng anim na taon dahil palipat-lipat sila ng states. Hanggang sa makapasa na nga siya sa board exam sa una niyang take.
"Sa Pilipinas, pinagsisilbihan ako. Pagdating dito, ako ang nagsisilbi," aniya.
"Bago pa sumikat ang araw, nandon na ako sa trabaho. Uuwi ako palubog na ang araw, so busy talaga.
"'Tapos, siyempre, pagdating ng bahay, hindi naman puwedeng rest ka lang. Kikilos ka dahil wala kang uutusan (walang kasambahay)," ani Princess.
"Mabuti na lang independent ako sa Pilipinas. Kahit kunyari absent yung helper o yung driver, I can function.
"Ang mahirap pa kunyari may full-time job ka, maghahatid ka ng bata sa eskuwela, manunundo ka ng bata, magluluto, magpaplantsa, maglalaba, lahat na. Paano mo gagawin lahat iyon?" ang pahayag pa ng aktres.
Paliwanag pa ni Princess kung bakit nagdesisyon siyang maging nurse ay dahil sa kanyang ina, ang kilalang aktres, radio at TV personality na si Helen Vela, na pumanaw noong February 14, 1992, dahil sa lymphoma.
Ang ama naman niyang TV at radio personality na si Orly Punzalan, ay namatay noong January, 2005.
"Ang naging problema ko, hindi ko naiintindihan kung ano ang nangyayari sa nanay ko.
"Hindi ko maikuwento sa mga kapatid ko, sa mga kamag-anak ko, sa mga kaibigan ano bang nangyayari sa nanay ko dahil hindi ko naiintindihan din," saad ni Princess.
Dahil dito, naging advocacy na niya ang ma-educate ang pamilya ng mga pasyente hinggil sa pinagdadaanan ng kanilang mga mahal sa buhay.
"Susubukan ko yung my best para turuan, tulungan yung mga tao, yung pamilya kung ano bang totoong nangyayari, ano ba yung dapat nilang maintindihan bago sila gumawa ng desisyon," paliwanag ni Princess.
Samantala, kailangan daw talaga na matibay ang sikmura ng isang nurse, "Hindi madali kasi minsan din, maraming mga bagay na kailangan mong gawin bilang nurse na hindi ginagawa ng normal na tao.
"Marami kang nakikita at mga naaamoy na mga bagay na hindi kaya ng ibang tao," aniya.
Dugtong niya, "Parang nasanay na ako sa gory na mga bagay, kunyari, nakakita ako ng utak na sumabog, mga taong namatay."
Ito naman ang advice niya sa lahat ng mga gustong maging nurse sa Amerika, "Maraming iba't ibang klaseng personalities at kulutura ang haharapin, so racism is a big deal here.
"So kailangan bukas ang isipan mo para tanggapin ang ibat-ibang klaseng kultura at marunong ka dapat makisama sa iba't ibang klaseng kultura," aniya.
The post Princess Punzalan: Sa Pinas ako pinagsisilbihan, dito sa US ako ang nagsisilbi appeared first on Bandera.

No comments: