Pinay caregiver sa Israel nasawi sa patuloy na giyera sa Middle East

ISANG Pilipinong caregiver ang nasawi sa patuloy na kaguluhang nagaganap sa Middle East dahil sa pag-atake ng Amerika at Israel kontra sa Iran.
Kinumpirma ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang malungkot na balita sa pamamagitan ng isang post sa social media.
Kagabi, March 1, ibinalita nga ng Pangulo ang kauna-unahang Pilipinong casualty sa gitna ng nagaganap na palitan ng airstrikes sa iba't ibang bahagi ng Middle East.
Ayon kay PBBM, nakatanggap ang Malacañang ng report hinggil sa pagkamatay ni Mary Anne Velazquez Rivera, isang caregiver na nagtatrabaho sa Israel, na nagmula sa Pangasinan.
Kinilala si Rivera ng kanyang asawa, na isa ring overseas Filipino worker (OFW) sa Israel.
"Nakikiisa tayo sa taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Mary Ann Velasquez De Vera, isang OFW na caregiver sa Israel na nasawi habang sinusubukang iligtas ang kanyang alaga sa gitna ng kaguluhan sa rehiyon," ang mababasa sa post ng Pangulo.
Aniya pa, "Tinitiyak ng pamahalaan ang buong suporta sa kanyang pamilya at patuloy ang ating pagmo-monitor sa kalagayan ng lahat ng ating mga kababayan sa Middle East.
"Mananatili tayong nakaalalay at handang tumugon sa kanilang pangangailangan," sabi ng Pangulo.
Sa isa namang video, sinabi ni PBBM na, "Ikinalulungkot ko na meron po tayong natanggap na report na meron na pong casualty na Pilipino dito po sa giyera na nangyayari po sa Middle East."
"Siya po ay isang caregiver sa Israel na tinutulungan ang kaniyang alaga para dalhin sa bomb shelter, ngunit hindi na po nakaabot sa bomb shelter at inabutan na sila bago sila nakarating.
"Siya ay namatay dahil tinamaan ng shrapnel ng mga bumagsak na bomba," aniya.
Mensahe pa ng Pangulo, "Lahat po ng tulong na kakailanganin ng kanilang pamilya ay ihahatid ng ating pamahalaan.
"Patuloy po ang ating pag-monitor sa kalagayan ng ating kababayan na nasa gitna nitong giyera dahil patuloy pa rin sa Middle East," sabi pa ng Presidente.
The post Pinay caregiver sa Israel nasawi sa patuloy na giyera sa Middle East appeared first on Bandera.

No comments: