BREAKING NEWS

Mga tradisyon na karaniwang ginagawa tuwing Holy Week

Mga tradisyon na karaniwang ginagawa tuwing Holy Week

TUWING Holy Week, kapansin-pansing nagbabago at pansamatalang bumabagal ang pamumuhay ng mga Pinoy- nababawasan ang ingay sa lansangan, nagsasara ang ilang establisimyento, at mas binibigyang-halaga ang katahimikan at pagninilay.

Sa panahong ito, ginugunita ng mga Kristiyano ang pinakamahalagang yugto sa buhay ni Hesukristo, ang kanyang paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay.

Mula sa taimtim na pagdarasal hanggang sa mga pagsasadula, ang mga tradisyong ito ay hindi lamang pagpapakita ng pananampalataya kundi pati na rin ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino.

Narito ang ilan sa mga pinakakilalang kaugalian na patuloy na isinasagawa sa buong bansa tuwing Holy Week:

1. Pabasa ng Pasyon

Ang pabasa ay isang tuloy-tuloy na pag-awit o pagbigkas ng pasyon, na nagsasalaysay ng buhay, paghihirap, at kamatayan ni Hesukristo. Karaniwang ginagawa ito sa mga kapilya o bahay, at maaaring tumagal nang ilang araw hanggang sa Biyernes Santo na nagpapakita ng malalim na debosyon at panata ng mga mananampalataya.

2. Prusisyon

Sa gabi ng Huwebes Santo pati ng Biyernes Santo, nagkakaroon ng prusisyon kung saan inilalabas ang mga imahen ng mga santo at eksena mula sa buhay ni Kristo. Ang mga deboto ay naglalakad kasabay ng prusisyon bilang pagninilay at pag-alala sa sakripisyo ni Hesus.

3. Senakulo

Ang senakulo ay isang dula na nagpapakita ng mga pangyayari sa paghihirap at kamatayan ni Kristo. Ginaganap ito sa mga entablado o lansangan, at madalas ay may mga lokal na residente ang gumaganap sa mga papel. Layunin nitong buhayin ang kuwento ng kalbaryo sa mas konkretong paraan para sa mga manonood.

Baka Bet Mo: 8 pagkaing no meat with a twist ngayong Semana Santa

4. Visita Iglesia

Ang Visita Iglesia ay ang pagbisita sa pitong simbahan sa loob ng isang araw, karaniwang ginagawa tuwing Huwebes Santo. Sa bawat simbahan, nagdarasal ang mga deboto bilang paggunita sa pitong huling sandali ni Hesus bago siya ipako sa krus.

5. Pag-aayuno at Abstinensya

Sa panahon ng Semana Santa, lalo na sa Biyernes Santo, maraming Pilipino ang nag-aayuno at umiiwas sa pagkain ng karne. Ito ay simbolo ng pakikiisa sa sakripisyo ni Kristo at paraan ng disiplina sa sarili.

6. Pagninilay at Pananahimik

Karaniwan ding iniiwasan ang maiingay na gawain tulad ng malalakas na musika o kasiyahan. Ang mga tao ay hinihikayat na maglaan ng oras sa tahimik na pagdarasal at pagninilay upang mapalalim ang kanilang pananampalataya.

7. Salubong

Ginaganap ito sa madaling araw ng Linggo ng Pagkabuhay, kung saan isinasadula ang muling pagkikita ni Hesus at ng kanyang inang si Maria matapos ang pagkabuhay. Isang masayang selebrasyon ito na sumisimbolo sa tagumpay ng buhay laban sa kamatayan.

The post Mga tradisyon na karaniwang ginagawa tuwing Holy Week appeared first on Bandera.


Mga tradisyon na karaniwang ginagawa tuwing Holy Week Mga tradisyon na karaniwang ginagawa tuwing Holy Week Reviewed by pinoyako on March 29, 2026 Rating: 5

No comments:

Sora Templates

close