Ice Seguerra puno ng energy, inikot concert venue para magpasalamat sa supporters

ANG ganda ng My Homecoming Concert na Being Ice LIVE! concert ni Ice Seguerra na ginanap sa New Frontier Theater nitong Pebrero 27 dahil sa rami nang napanood naming concerts ay bukod tanging siya lang ang umikot sa buong venue para kamayan o personal na ipakita ang kanyang pasasalamat sa mga sumusuporta sa kanya hanggang ngayon.
Inakala namin na hanggang baba lang ang lilibutin ng singer-songwriter, hanggang sa balcony at loge section ng theater ay inakyat niya at pansin naman na talagang hiningal siya at pawis na pawis na pero bale wala ito dahil ang saya-saya ng lahat ng mga nanood sa tuktok ng New Frontier Theater habang kinakanta ang mga awiting "I'll Be There", "How Did You Know", "Pakisabi Na Lang", "Para Lang Sa 'Yo", at "Anong Nangyari sa Ating Dalawa".
Kitang-kita namin ang tuwa at saya ng mga supporters ni Aiza na Ice na ngayon dahil halos lahat ay kabilang sa Baby Boomers, Generation X na (ang iba ay may naka-walker na with alalay) at bilang lang ang Millennials at Gen Y na pawang nagpa-selfie sa kanya at ang iba ay hindi nakapagpigil na talagang niyakap at hinalikan siya na parang 'anak' nila.
Natuwa kami sa senaryong ito dahil ipinakita ng singer/songwriter kung gaano niya pinahahalagahan ang supporters niya na nanood sa kanya lalo na sa panahon ngayon na hindi naman mura ang concert tickets pero ipinakita nila kung gaano nila kamahal si Ice.
Baka Bet Mo: Ice Seguerra may pasabog agad sa 2026: Mas marami akong kwento!

Nabagbag ang damdamin namin dahil nu'ng ikuwento ni Ice habang nakaupo sa entablado na dumaan siya sa depression dahil sa mga panahong nawala siya sa concert scene dahil nga di na siya sikat at feeling wala na hindi na siya gusto ng tao. Naghiyawan ang lahat ng, "akala mo lang 'yun, nandito kami" at natawa ang mang-aawit sabay sabing, 'sorry naman, hindi kasi kayo nagsabing nandiyan pala kayo.' Aliw ang banter nito sa audience.
Memorable kay Ice ang Cubao dahil dito siya lumaki at nagka-isip at sa nasabing lugar din siya unang nagkaroon ng gig, sa JoeKher bar and restaurant na naging publicist kami pero hindi namin inabot si Aiza sa panahong nandoon siya, ang sikat noon ay ang Aegis.
Pawang covers pa noon ang list of songs ni Ice sa JoeKher kasi nga bago palang siya at sa nasabing venue niya nakilala ang taga Vicor, sikat na record label noon na inalok siyang ipo-produce ng kanta, ang hit song na Pagdating ng Panahon na isinulat nina Moy Ortiz at Edith Gallardo. Nagtuluy-tuloy na ang singing career nito hanggang sa nakilala na at naging parte na ng noontime show na Eat Bulaga.
Halatang ang Tito, Vic and Joey ang nagpalaki kay Ice dahil napaka-witty niyang sumagot sa ibinabato sa kanya bagay na gustung-gusto ng lahat sa kanya.
Going back to Ice ay nakuwento niya, "Back here sa Cubao, it feels good kasi meron kang sense of familiarity sa lugar na ginagalawan mo and ako 'yun. I like being in a familiar place and that's I'm comfortable."
Anyway, ang ganda ng repertoire ng Being Ice LIVE! lalo na 'yung Beatles medley na pawang paborito namin, okay din ang videoke production number nil ani Kyla at 'yung kina Bossing Vic Sotto at Frenchie Dy.
At ang bagong release nitong "Ikaw Ang Wakas" na sinulat mismo ni Ice kasama ang kanyang love of her life na si Ms Liza Dino, ang ganda ng lyrics. Sana mapanood namin ang kuwento ng kantang ito sa pelikula o serye at the same time maging theme song.
Samantala, may repeat kaya ang Being Ice LIVE! dahil tiyak naming maraming hindi nakapanood pa na produced ng Fire and Ice Live.
The post Ice Seguerra puno ng energy, inikot concert venue para magpasalamat sa supporters appeared first on Bandera.

No comments: