‘I Fell, It’s Fine’ nina Rhian Ramos at Glaiza de Castro romcom na may twist

"I FELL asleep, it's fine," ang birong sagot namin kay Sigrid Andrea Bernardo nang hingan niya kami ng reaksyon sa pelikulang idinirek niya, ang "I Fell, It's Fine."
Ang nasabing pelikula ay pinagbibidahan nina Glaiza de Castro at Rhian Ramos na isa sa feature movie habang isinasagawa ang Sinag Maynila 2026 simula nitong Marso 23 hanggang Marso 29 na nagkaroon ng premiere night kahapon sa Gateway Cinema 11.
Natawa rin si Direk Sigrid sa sagot namin at aminado rin siyang medyo nakakaantok ang simula ng pelikula pero sa gitna ay okay na.
Hirit ulit namin kay Direk Sigrid, "May imaginary friend ka rin ba?"
Muling natawa ang direktora at sabay sabing, "Di ba?"
Napakarami raw niyang inspirasyon sa pagbuo ng pelikula na inayunan namin dahil ang istilo ni Direk Sigrid ay nakakakuha siya ng mga ideya sa mga taong araw-araw niyang nakakasalamuha mula sa mga kaibigan at netizens.
Sayang nga at hindi namin natanong, "Parang naglaro ka lang Direk sa I Fell, It's Fine kasi naman nagulat kami na bigla na lang may nahulog na magandang babae sa putikan na karakter ni Rhian at hinanap niya ang babaeng hiniling na makasama siya nang magsimba ng lasing si Glaiza.
Kakaiba talaga ang mga pelikula ni Direk Sigrid na puwedeng sabihing kanyang-kanya lang at walang pinaggayahang kuwento.
Pagkatapos niyang magpaiyak sa pelikulang "I'm Perfect" na nanalong Best Picture sa nakaraang Metro Manila Film Festival 2025 ay hetot matatawa ka naman sa "I Fell, It's Fine" dahil romantic comedy ito na may twist.
Kung anuman 'yung twist ay abangan sa Abril 4 sa mga sinehan nationwide produced ng Wide International Films & Entertainment nina April Martin at Pauline Mae Publico at nabasa rin namin ang mga pangalan ni Glaiza na isa sa producer at si Rhian bilang supervising producer.
Nabuo raw ang tambalang Glaiza at Rhian nang magkaroon sila ng event sa Araneta Coliseum para sa isang product launch at ang dami raw humihiyaw na bagay ang dalawa at gawan sila ng pelikula at doon nagka-ideya ang producers.
Sakto naman dahil forte ni Direk Sigrid ang Girl's Love o GL dahil ang mga pelikula niyang ganito ang tema ay nagawagi ng Best Picture tulad ng "Huling Cha Cha ni Anita", nanalo sa 2015 Milan International Lesbian and Gay Film Festival, 2016 Cine Filipino Film Festival, 2014 Osaka Film Festival gayun din ang pelikulang "Lorna."
Anyway, aabangan namin kung anong award ang makakamit ng "I Fell, It's Fine" at kung isasali ba ito sa mga film festival sa ibang bansa.
Bukod kina Rhian at Glaiza, kasama rin sa cast sina Queenay Mercado, Rafael Rosell, Elora Espano, Alchris Galura, at Elizabeth Oropesa.
The post 'I Fell, It's Fine' nina Rhian Ramos at Glaiza de Castro romcom na may twist appeared first on Bandera.

No comments: