Digital creator sa Lucena pinaslang dahil sa selos, ex-BF ang suspek

"HUSTISYA!" Iyan ang sigaw ng pamilya at mga kaibigan ng 24-anyos na digital creator na si Jayson Zoleta na walang awang pinaslang nitong March 5, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang pinaghihinalaang pumatay sa biktima na empleyado rin ng clothing shop sa isang mall sa Lucena City, ay ang kanyang ex-boyfriend.
Nangyari ang pamamaslang sa digital creator alas-11 ng umaga sa mismong tindahan na kanyang pinagtatrabahuan. Binaril si Zoleta ng lalaking suspek na dati niya umanong karelasyon, habang siya ay nakatalikod.
Ayon pa sa report, bago pa man mangyari ang krimen, nakapag-post pa ang biktima sa Facebook tungkol sa pagkapagod sa trabaho, noong Huwebes ng umaga, March 5.
Naka-tag ito sa FB account ng suspek na may pangalang "Datu Gulf" na bina-bash ngayon ng mga netizens dahil sa nangyari.
Sa interview ng ilang news outlets sa mga kaanak ng biktima, isang buwan na ang nakalipas mula nang maghiwalay sina Zoleta at ang ex-boyfriend nito. Anila, selos ang dahilan ng hiwalayan.
Base pa rin sa mga ulat, noong araw na naganap ang pagpaslang, tinawagan pa umano ng suspek si Zoleta at sinabihang magkita sila sa tindahan kung saan nagtatrabaho ang biktima.
Nakita naman sa CCTV footage ng clothing store na tila nag-uusap ang mag-ex sa loob ng tindahan. Makikita pa raw na tila balisa at palakad-lakad ang suspek sa shop.
At makalipas ang ilang segundo, malapitan ngang pinaputukan sa ulo ng suspek ang biktima habang ito'y nakatalikod gamit ang dalang baril.
Humandusay sa lupa ang biktima at agad na nasawi dahil sa tinamong tama ng bala. Ayon sa mga comments ng netizen, posibleng "crime of passion" ang motibo ng krimen.
Kasunod nito, bumuhos na nga ang pakikiramay at pakikisimpatya ng madlang pipol sa pagpaslang sa biktima kasabay ng panawagang "Justice for Jayson Zoleta".
Sa kasalukuyan, hinahanting na ng mga otoridad ang suspek.
The post Digital creator sa Lucena pinaslang dahil sa selos, ex-BF ang suspek appeared first on Bandera.

No comments: