Sharon Cuneta sa pagkikita nina PBBM, Robredo: Walang plastikan

MATAPANG na ipinagtanggol ni Megastar Sharon Cuneta ang pagkikita nina Pangulong Bongbong Marcos at Mayor Leni Robredo sa Naga City kamakailan.
Mariing inihayag ng actress-singer at TV host na walang plastikan na naganap sa pagitan ni PBBM at ng nakalaban niya sa panguluhan noong 2022 Presidential Elections.
Sa pamamagitan ng kanyang Facebook page, nag-post si Sharon ngayong araw, February 22, ng kanyang saloobin sa makasaysayang pagkikita ng dalawa sa Naga.
"My President Mam Leni @atty.lenirobredo with OUR President, Ferdinand Marcos, Jr. Walang balimbingan o plastikan," ang mababasa sa simulang bahagi ng kanyang caption.
Baka Bet Mo: Sharon Cuneta first time makatanggap ng cash gift mula sa anak, bet ipa-frame
Patuloy ni Mega, "Pagpapasalamat lamang sa sumusuporta sa kanyang mahal na lungsod at bayan.
"Ang balimbing ay iiwan ang tapat na samahan para sa pangsariling kapakanan," aniya pa.
Dugtong pa ng wifey ni Sen. Kiko Pangilinan, "Ang nagmamalasakit ay lalagay sa tama, lalo kapag na-traydor, at higit lalo kung para sa kapakanan ng taumbayan.
"Ang plastic ay lahat kinakaibigan para sa sariling kapakanan.
"Ang sibilisado at disente ay nakikitungo at rumerespeto sa sinumang rumerespeto sa kanya nang hindi sinusuko ang prinsipyo," ang mariing punto pa ni Sharon.
Nauna rito, parehong pinabulaanan ng kampo nina Mayor Leni at Pangulong Bongbong na may bahid politika ang kanilang pagkikita.
The post Sharon Cuneta sa pagkikita nina PBBM, Robredo: Walang plastikan appeared first on Bandera.

No comments: