PBBM: Walang Pinoy na nasaktan, nasawi sa gulo sa Middle East

WALA pang Pilipino na naiuulat na nasaktan o nasawi sa nangyayaring sigalot at kaguluhan sa Middle East.
Ito'y matapos ang ginawang pag-atake ng Amerika at Israel sa bansang Iran.
Nagbigay ng pahayag si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. patungkol sa kasalukuyang kalagayan ng mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng Middle East.
Sa kanyang official Facebook page ngayong araw, March 1, nagbigay ng update si PBBM sa sitwasyon ng ating mga kababayan doon.
"As of 9:00 a.m., Sunday, wala po tayong natatanggap na report na may kaso ng casualty na Pilipino. Wala pong Pilipino ang namatay, walang Pilipino ang nasaktan," ayon sa Pangulo.
Patuloy daw ang pagbabantay ng pamahalaan para masiguro na nasa ligtas at maayos na sitwasyon ang mga Pilipinong nasa Middle East.
Nauna nang inatasan ni Pangulong Bongbong ang Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA) na agad tukuyin ang kinaroroonan ng mga Pilipino sa mga nasabing lugar.
Nananatiling naka-full alert ang mga embahada ng Pilipinas sa Tehran at Tel Aviv alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos para bantayan ang kaligtasan ng mga Pinoy sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.
Samantala, walong katao ang nasugatan mula sa missile attacks ng Iran sa Doha, Qatar, ayon kay Qatar Ministry of Interior spokesperson Abdullah Khalifa Al-Muftah.
Sa ulat ng Doha News, isa sa mga sugatan ay nasa kritikal na kondisyon, habang stable ang Qatar sa kasagsagan ng mga nasabing pag-atake, 114 ang naitalang bilang ng falling missile debris sa buong bansa.
Batay sa report, nadiskubre ng mga awtoridad ang 65 ballistic missiles at 12 drones mula sa pag-atake ng Iran. Nasa 63 missiles at 11 drones ang na-shot down ng Qatar bago maabot ng mga pag-atakeng ito ang kanilang umano'y "targets."
At dahil umano sa tindi ng mga naganap na pag-atake ng Iran sa iba't ibang direksyon, dalawang ballistic missiles ang umabot sa Al-Udeid Air Base habang isang drone ang sumira sa isa sa early warning radars ng Qatar.
The post PBBM: Walang Pinoy na nasaktan, nasawi sa gulo sa Middle East appeared first on Bandera.

No comments: