Instituto Cervantes Manila may libreng film series, tribute kay Gonzalo Suárez

HANDOG ng Instituto Cervantes de Manila ang isang espesyal na film series bilang pagpupugay kay Gonzalo Suárez, ang Spanish filmmaker na tatanggap ng Goya de Honor o Honorary Goya Award 2026.
Para sa kaalaman ng marami, ang nasabing pagkilala ay isa sa pinakamataas na parangal sa pelikula sa Spain.
Pinamagatang "Gonzalo Suárez, Goya de Honor," tampok sa serye ang apat na pelikula ni Suárez na ipapalabas tuwing Martes ng Pebrero, alas-2 ng hapon, sa Instituto Cervantes Manila (Intramuros branch).
Libre ang panonood, kaya swak ito para sa mga mahilig sa world cinema at mga gustong makaranas ng kakaibang pelikula.
February 3: The Goalkeeper (1999)
Magbubukas ang serye sa "The Goalkeeper," isang pelikulang nakatakda noong 1948.
Sinusundan nito ang kwento ni Ramiro Forteza, isang dating first-division football goalkeeper na ngayo'y naglalakbay sa iba't ibang bayan para hamunin ang mga lokal sa penalty shootout, na kung saan ay may premyo ang sinumang makakatalo sa kanya.
Simple ang premise pero hitik sa simbolismo at drama.
February 10: The Detective and Death (1994)
Isusunod ang "The Detective and Death," isang 112-minutong pelikula na umiikot sa isang European city na yumanig sa kaguluhan at racial unrest.
Dito, haharap ang isang makapangyarihang tycoon sa tanging pwersang hindi niya kayang dayain, ang kamatayan.
Samantala, isang detective ang naghahanap sa babaeng mahal niya, habang isang inosenteng babae naman ang desperadong umaasang maibabalik sa buhay ang kanyang pinaslang na anak.
February 17: Remando al viento (1988)
Para sa mga mahilig sa literatura at kasaysayan, tampok sa Remando al viento ang buhay nina Mary Shelley at Lord Byron.
Sa pamamagitan ng mga alaala ni Mary, nasilayan ang kanyang pag-ibig kay Percy Shelley, ang kanilang mga paglalakbay sa Europe, at ang gabing nagbunga ng isa sa pinakatanyag na likha sa kasaysayan—ang halimaw ng Frankenstein.
February 24: Epílogo (1984)
Magtatapos ang serye sa "Epílogo," isang 91-minutong pelikula tungkol sa dalawang manunulat na sina Rocabruno at Ditirambo.
Matapos ang mahabang panahong pagkakahiwalay at isang babaeng minsang pinagsaluhan, muling magsasama ang dalawa upang subukang sumulat ng isang huling nobela.
Bukod sa Suárez tribute, bahagi rin ang film series ng mas malawak na selebrasyon ng Goya Awards, ang pinaka prestihiyosong parangal sa Spanish cinema.
Mula February 20 hanggang 22, magpapalabas naman ng mga recent Goya Award-winning films sa Gateway Cinemaplex 18, Quezon City, kabilang ang "Mariposas negras" (2024), "La virgen roja" (2024), "Marco" (2024), at "The Room Next Door" (2024) ni Pedro Almodóvar.
Ang "Gonzalo Suárez, Goya de Honor" ay inihahatid ng Instituto Cervantes at ng Academia de Cine de España, katuwang ang Embassy of Spain in the Philippines, AECID, Quezon City Film Commission, at ang Intramuros Administration.
Lahat ng pelikula ay ipapalabas sa Spanish na may English subtitles, at inirerekomenda ang advance registration para makatiyak ng upuan.
Para sa karagdagang detalye at reservation, bisitahin ang www.manila.cervantes.es o www.facebook.com/InstitutoCervantesManila.
The post Instituto Cervantes Manila may libreng film series, tribute kay Gonzalo Suárez appeared first on Bandera.

No comments: