BREAKING NEWS

Willie Revillame tuloy na pagbabalik sa ‘Wilyonaryo’: Ibang level na ‘to! 

Willie Revillame tuloy na pagbabalik sa 'Wilyonaryo': Ibang level na 'to! 
Willie Revillame

MAPAPANOOD na ng sambayanang Pilipino ang bagong game show ni Willie Revillame simula sa January 25, ang "Wilyonaryo."

Ngunit ibinalita ng veteran TV host na hindi na ito eere sa TV5 tulad nang unang napabalita kundi sa mismong website na ng show, ang wilyonaryo.com.

Humarap sa entertainment media si Willie kahapon, January 20, sa mediacon ng "Wilyonaryo" na ginanap sa Seda Vertis North sa Quezon City at dito nga niya in-explain ang tungkol sa bago niyang programa. 

Unang nabalita ang pagpapalabas ng "Wilyonaryo" sa TV5 noong December, 2025 pero hindi nga ito natuloy. Nagkaroon pa ng test broadcast ang show sa Cignal TV noong December 3, 2025.

"Alam n'yo naman nangyari sa TV5, change of leadership, di ba? So, ang kausap ko talaga doon si Ms. Jane Basas (dating president at chief executive officer ng MediaQuest, ang mother company ng mga media arm ng MVP Group of Companies).

"So medyo…ayoko sanang banggitin 'to, pero wala na siya sa ngayon. So, sigurado yung contract nu'n, e, medyo aaralin muna nila," pahayag ni Willie.

Ayon sa TV host, complicated ang mechanics at sistema ng "Wilyonaryo", "Hindi ko itini-take na personal. Naiintindihan ko yun. Kasi mahirap talaga yung live streaming ka sa free TV kasi may gaming, e.

"Pero okay naman sa TV5 kung walang gaming. In fact, ang talagang schedule ko dapat doon 7-8 p.m.. Nu'ng nalaman nila na may bibili ng ticket at may gaming, siyempre you have to understand may MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board).

"Baka ma-bash sila, 'Bakit mo pinapayagan yan? Baka feeling nila na, 'Sugal na 'to.' For me, hindi. It's a raffle game. Ang feeling ko dito, mas maraming mananalo, mas maraming matutulungan din, e," saad pa ng nagbabalik-TV host.

Nilinaw din ni Willie na may gaming license mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang kanilang programa.

Pwedeng sumali sa show ang lahat ng manonood online para sa major game na "Wilpick" basta naka-register at nakabili ng raffle ticket online via wilyonaryo.com sa halagang P20 (per ticket) using their chosen combination.

May tatlong raffle draw ang "Wilpick" sa bawat araw kung saan maaaring magwagi ang contestant ng P1 million sa grand prize.

In fairness, nagpa-sample si Willie sa members ng media ng naturang game kung saan kailangang mag-match ang apat na letra at isang kulay na mabubunot via electronic randomizer sa hula ng mga contestant.

Hindi nakuha ng press ang P1 million grand prize dahil isang letra lamang ang tinamaan, ang ending ang napanalunan lamang ng isang grupo ng press ay P20,000 para sa isang tamang letrang nahulaan.

Ayon kay Willie, mas maraming tickets ay mas maraming chance ang contestants para manalo, "Ibang level na nga ito. Kumbaga, nag-innovate na tayo dahil pinagsama natin ang mundo ko ng game show at online gaming para hindi na lang sa loob ng studio may mananalo. 

"Binibigyan natin ng fair na chance 'yung mga kababayan natin na nasa iba't ibang panig ng bansa. Pupunta lang sila sa website namin na wilyonaryo.com para mag-register at mag-avail ng tickets, at may tyansa na silang mapili at manalo ng hindi lang isa, dalawa, o tatlong milyon, pwedeng mas malaki pa," aniya.

Samantala, ayon pa kay Willie patuloy pa rin ang negosasyon nila  para sa WilTV sa Channel 10 ng Cignal TV kung saan pwedeng mapanood ang "Wilyonaryo" sa free TV.

"Pero hopefully, yung Channel 10 ng Cignal, e, kung maaayos namin ang pag-uusapan ang contract, baka yun matuloy if ever na okay sa kanila.

"Siyempre you have to understand dahil meron tong pagbili ng ticket, di ba? So, kailangan ingatan talaga. Hindi pwede sa free TV.

"But I think sa Cignal naman puwede kasi alam ko may karera sila doon, may billiards. So, hopefully, kung magugustuhan nila, I'm willing na sana magkaroon kami ng Channel 10 sa Cignal," ani Willie.

The post Willie Revillame tuloy na pagbabalik sa 'Wilyonaryo': Ibang level na 'to!  appeared first on Bandera.


Willie Revillame tuloy na pagbabalik sa ‘Wilyonaryo’: Ibang level na ‘to!  Willie Revillame tuloy na pagbabalik sa ‘Wilyonaryo’: Ibang level na ‘to!  Reviewed by pinoyako on January 20, 2026 Rating: 5

No comments:

Sora Templates

close