John Feir binalikan kung paano na-wow mali sa kasal ni Mikoy Morales

HINDI in-expect ng Kapuso comedian na si John Feir na magiging instant viral sensation matapos ma-wow mali sa dinaluhang kasalan.
Maraming pinasaya at pinatawa ang komedyante sa naging experience niya nang inakalang wedding ng kapwa niya Kapuso na si Mikoy Morales ang napuntahan niya sa Makati City.
Ang buong akala kasi ng "Pepito Manaloto: Tuloy Ang Kuwento" actor (gumaganap na Patrick) ay noong January 3 ang kasal ni Mikoy sa fiancée nitong si Isa Garcia pero ang naturang petsa ay para pala sa deadline ng RSVP.
Ang ending, ibang wedding ang kanyang napuntahan na agad ngang nag-viral matapos itong ibandera mismo ni Mikoy sa Facebook.
Na-interview ni Mikoy si John sa YouLOL Access ng GMA at dito nga nila napag-usapan ang nakakalokang kuwento sa viral wow-mali wedding.
"Meron akong in-attendan na golf, laro-laro lang nu'ng umaga. Sabi nila, kumain ka na dito ng tanghali. Sabi ko, hindi puwede kasal nu'ng kasama ko sa Pepito si Mikoy.
"Nag-ano pa sila, 'best wishes paki sabi, ha.' Pag-uwi ko sa bahay wala pa, hindi pa plantsado, pinlantsa ko 'yung Barong. Pinlantsa ko 'yung slacks, nagpagupit pa ako Mikoy.
"Nag-ahit pa ako, matagal walang taping e. Linis-linis. Pero the day before tinawagan ko si Direk Ronnie," ani John na ang tinutukoy ay si Ronnie Henares na gumaganap namang Tommy sa "Pepito Manaloto."
"Direk! Kasal ni Mikoy bukas. Sabi niya, 'Ha!' Ano ibibihis mo?" ang tanong ni John.
Tugon naman daw ni Ronnie, "Oh sige, sige I'll check ha, babalikan kita.' Sabi ko, 'ah may ibang ruta to.' Fast-forward ito na, sabi ko kay misis, 'Ano na mali-late na ako.'
"Kasi umalis ako ng bahay sa Parañaque mga 3:15 na. Naalala ko sa wedding invitation mo strictly 4 p.m. will start. 'Yan 'yung mga natandaan ko," sey ng komedyante.
Nang dumating na raw siya sa Don Bosco Church, doon na niya nalamang na-"Patrick" moment siya – tulad nga ng mali-maling karakter niya sa "Pepito Manaloto."
"Pagpasok kong ganu'n, hinahanap ko si Chariz (Solomon) at saka si Juancho (Trivino), e, 'yun nakalagay sa invitation mo. Wala, ah baka nandu'n lang sa harap 'yun. Tapos, nakita ko agad 'yung kinakasal, 'Ay, nagpagupit si Mikoy,'
"Tapos lumapit 'yung may radyo, sabi, 'Sir, dito po tayo. Nakita ko may nagka-camera, may nagbi-video na ganu'n. Tinitingnan ko pa rin 'yung groom, sabi ko, 'si Mikoy nagpagupit.'
"Sabi ko, 'siyempre kasal nga naman'. Tapos, nakita ko lahat ng tao naka-suit, ako lang 'yung naka-Barong. Sabi ko, okay teka sandali lang, ha," kuwento pa niya.
Nagtanong na raw si John sa isang photographer kung si Marco Morales ang ikinakasal, "Hindi ako puwedeng magkamali ngayon 'yung kasal nu'n, January 3, 4 p.m..
"Sabi nito, 'Sir hindi po, ito po 'yung ikakasal. Pero, sir, meron pang 2 p.m..' Nagkabuhay ako, baka na-adjust 'yung oras. Tapos tiningnan ko ipinakita niya sa akin. Sabi ko, 'hindi yan e.'
"Du'n ko in-open 'yung link, kasi hindi naman ako mahilig sa link-link 'di ba, kaya ako nagpatulong sa 'yo. Pinindot ko 'yung link na ganu'n. Pagsilip ko ng link, nakita ko kayo mag-asawa sa picture March," pag-alala pa ni John.
Pagkalabas niya ng simbahan, tinawagan niya agad ang isa pa nilang kasamahan sa "Pepito Manaloto" na si Chariz Solomon.
"Sabi ko, 'Nak!' Sagot ni Chariz, 'Tay, bakit?' 'Na-Pepito ako. Um-atted ako ng kasal ni Mikoy, March pa pala. Nasa Don Bosco Church ako ngayon.
"Tawa nang tawa si Chariz, hindi na makapagsalita," pagbabalik-tanaw pa ni John Feir.
The post John Feir binalikan kung paano na-wow mali sa kasal ni Mikoy Morales appeared first on Bandera.

No comments: