Ilang kalsada sa North EDSA isasara sa loob ng 4 na buwan –MMDA

PANSAMANTALANG isasara ang ilang bahagi ng North EDSA hanggang West Avenue simula Pebrero hanggang Mayo.
Ayon sa anunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isang press conference, kasama ang Department of Transportation (DOTr) at pamahalaang lungsod ng Quezon City, ito ay dahil sa pag-i-install ng turnback steel box girder ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7).
"There will be a partial road closure while the tower that will support the girder is being installed," sey ni MMDA chair Don Artes, na iniulat ng INQUIRER.
Simula February 1 hanggang May 19, mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw, pansamantalang isasara ang mga kalsada sa North EDSA sa pagitan ng Landmark Trinoma at Unified Grand Central Station.
Baka Bet Mo: MMDA target ang 1,200 dagdag na NCAP cameras bago matapos ang 2025
Samantala, mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw simula March 24 hanggang April 29, ipatutupad naman ang pansamantalang pagsasara ng kalsada sa bahagi ng West Avenue/EDSA.
Bukod dito, magkakaroon din ng 24/7 lane closure sa mga sumusunod na lugar:
• Dalawang linya sa bahagi ng EDSA North Avenue (northbound), mula February 1 hanggang May 8
• Dalawang linya sa bahagi ng EDSA North Avenue (southbound), mula February 15 hanggang May 18
Pinapayuhan ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta habang ipinatutupad ang pansamantalang pagsasara ng mga kalsada.
Ayon pa kay Artes, inaasahang magdudulot ng matinding trapiko ang mga road closure, ngunit kinakailangan umano ito upang masiguro ang kaligtasan ng mga motorista at iba pang gumagamit ng kalsada.
Dagdag niya, magde-deploy ng mga traffic enforcer mula sa MMDA, pamahalaang lungsod ng Quezon City at DOTr upang mabawasan ang epekto ng mga pagsasara sa daloy ng trapiko.
The post Ilang kalsada sa North EDSA isasara sa loob ng 4 na buwan –MMDA appeared first on Bandera.

No comments: