Coco Martin, Angeline, McCoy, Renee Salud matindi ang kapit kay Jesus Nazareno

KAPIT na kapit pa rin hanggang ngayon ang pananampalataya ng ilang celebrities bilang deboto ng Itim na Jesus Nazareno.
Kabilang na nga riyan sina Coco Martin, Angeline Quinto, McCoy de Leon, Noli de Castro at Sam Verzosa, na may kanya-kanyang panata tuwing Pista ng Jesus Nazareno.
Taun-taon itong ipinagdiriwang tuwing January 9 bilang pagbibigay-pugay sa Poong Nazareno na matatagpuan sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church sa Maynila.
Kasabay nito ang pagsasagawa ng Traslacion, o ang prusisyon ng Itim na Nazareno na isa nang tradisyon ng Simbahang Katolika na dinadaluhan ng libu-libong deboto.
Narito ang mga artistang aktibo pa rin hanggang ngayon bilang deboto ng Poong Nazareno.

COCO MARTIN
Mula pa noong 2007 ay deboto na ang Kapamilya Teleserye King lalo na sa pakikiisa sa Traslacion at naging panata na niya ito para magpasalamat sa lahat ng natatanggap niyang pagpapala.
Nagsimula ang kanyang panata nang magdasal siya sa Panginoon, "Lord bigyan niyo lang po ng trabaho kahit ano. Kasi that time hindi pa ako artista e. Kahit ano po hindi ko tatanggihan yan basta regular.
"Tapos simula nung nahawakan ko yung Nazareno na yun, mula nung araw na yun, hindi na ako huminto sa pagtatrabaho. Sinasabi ko nga lagi, anong karapatan kong magreklamo?"
"Walang hanggang pasasalamat sa Poong Jesus Nazareno sa lubos na biyaya, pagmamahal, at paggabay sa akin at sa aking pamilya. Higit pa sa hiniling ko ang binigay Niyo sa akin," ang mensahe ni Coco bilang deboto.

ANGELINE QUINTO
Bata pa lang nang magsimula ang pagiging deboto ni Angeline. Palagi siyang kasama ng kanyang adoptive mother na si Sylvia Quinto o Mama Bob kapag sa prusisyon tuwing Pista ng Nazareno.
"Nag-start siya kasi lumaki po ako sa Sampaloc, Manila. Ang Mama Bob ko at yung buong street namin sa Marzan, may imahe po kami na every year dinadala sa Quiapo Church.
Naniniwala ang singer-actress na ang pagkapanalo niya noong 2011 sa "Star Power: Search for the Next Female Pop Superstar" ng ABS-CBN ay dahil sa pagdarasal niya sa Poong Nazareno.
"Every Friday and Sunday, nandoon po ako sa Quiapo, nagdarasal. Bago ako sumali sa Star Power, dasal ko talaga magkaroon ng regular na trabaho sa pagkanta. Nag-try lang ako, hindi ko in-expect na magtutuloy-tuloy. Alam ko po na galing sa Kanya."

SAM VERZOSA
Batang-Sampaloc, Manila rin ang TV host at negosyanteng si Sam Versoza kaya hindi nakapagtataka na naging panata na rin niya ang makiisa sa Traslacion.
Taong 2009 nang una siyang lumahok sa Pista ng Hesus Nazareno at mula raw noon ay himalang nakamit niya isa-isa ang lahat ng kanyang pinapangarap na naging hudyat din ng kanyang pagtulong sa mga nangangailangan.
Ayon kay SV, 16 years na siyang namamanata at sumasampa sa Andas ng Nazareno, "Ngayon kasama na ako sa kanila. Iyon po ang nangangalaga, pumoprotekta sa Nazareno, nagsisilbi sa simbahan, naghihikayat sa mga tao na manampalataya.
"At tuwing translacion sila po iyong nasa itaas ng Andas. Debosyon ko 'yan, ipinangako ko iyan, panata ko na iyan. Isa sa paraan ko iyan para makapagdasal nang taimtim at makakonek sa ating Mahal na Nazareno. Isinasama nila ako para sa pagsampa sa Andas."

MCCOY DE LEON
Matagal na ring deboto ang pamilya ng Kapamilya actor na si Mccoy De Leon, na nagsimula mula pa sa kanyang mga lolo at local at iba pang matatandang kaanak.
"Noong oras na nakita ko siya't mahawakan ulit matapos ng maraming taon, wala ako masabi kundi 'Salamat Poong Nazareno.' Tanging nasa isip ko lang nung kaharap ko siya ang mga mahal ko sa buhay at ang pamilya ko," ang pahayag ni McCoy nang lumahok muli siya sa prusisyon.
"Sa mga kapatid ko na deboto saludo ako sa tindi ng pananampalataya niyo walang nagbabago. Viva Poong Nazareno!" aniya pa.

RENEE SALUD
Naniniwala ang seasoned fashion designer na ang lahat ng na-achieve niyang tagumpay ay dahil sa pananampalataya niya kay Jesus Nazareno.
College student pa lang ay isa na siyang deboto at hirap daw sila sa buhay noon at alam niyang hindi na siya makakatapos ng pag-aaral kaya nag-wish siya sa Nazareno na sana ay magkaroon siya ng magandang trabaho para matulungan ang pamilya.
"Parang may feeling ka na nandiyan siya at ginagabayan ka basta tuloy-tuloy lang ako naglalakad nga ako ng paluhod doon literally para magdasal at hindi pwede na 'di ka dadaan sa likod doon para humalik," aniya.

GISELLE SANCHEZ
Mahigit isang dekada nang devotee ng Jesus Nazareno si Giselle at inamin niyang "accidental" lamang ito noong simula. Noong 2009.gumaling daw ang karamdaman niya matapos taimtim na nagdasal sa Poong Nazareno.
"Although hindi ako kagaya ng iba na sumasampa or talagang sinusuyod ang mga tao nagpupunta pa rin ako ng Quiapo at ang ginagawa ko may project kasi si Monsignor doon na nagpapakain sa mga mahihirap sa umaga nag-sponsor ako doon," aniya.
Taong 2008 nang magkaroon siya ng sakit na TMJ, isang klase ng jaw and neuro sickness. Dito niya naisipang magtungo sa Quiapo Church.
'Nagdasal ako sa Kanya noon na sana mawala na ang nararamdaman ko kasi gusto ko pa magtrabaho at ituloy kung ano man ang mga ginagawa ko. Tapos ayun natanggal siya. Parang pumasok ang Holy Spirit sa akin. Nakaramdam ako ng kagalingan."

NOLI DE CASTRO
Isa sa pinakakilalang personalidad na deboto ng Itim na Nazareno si Kabayan na nagsimula noong nasa college pa lang siya. Naging panata na niya that time ang magdasal sa Quiapo araw-araw hanggang sa lumahok na siya Traslacion taun-taon.
"Ang request ko lang noon ay magkaroon ako ng sariling programa sa radyo, sa istasyong pinagtatrabahuhan ko, pero binigyan niya pa ako ng programa sa television. Para sa akin, napakalaking bagay 'yun na ginawa sa akin ng Mahal na Nazareno," aniya.

AI AI DELAS ALAS
Nagtutungo sa iba't ibang simbahan ang Comedy Queen bilang bahagi ng kanyang debosyon sa Poong Nazareno kasabay ng pagpo-post sa social media ng mga quotes tungkol sa kanyang pananampalataya.
"Sinasabi natin sa buhay natin di ba, pag tayo may problema, pag tayo may mga hinihiling, parati natin sinasabi sa buhay natin always trust the Lord with all your heart. Dati sinasabi ko lang I trust the Lord, I trust the Lord, pero sa totoo lang po minsan parang Lord, ibibigay mo ba talaga sa akin iyon?" ang sabi ni Ai Ai sa isang panayam na napatunayan niyang pagpapalain ka kapag ipinaubaya mo na lahat sa Panginoon.

TINA PANER
Malakas din ang pananampalataya ng aktres at singer na si Tina Paner na personal na nagtutungo sa Quiapo Church para magdasal at magpasalamat sa Hesus Nazareno.

BAYANI AGBAYANI
Mula sa kanyang ina naman namana ng veteran comedian ang kanyang debosyon nang humiling ito ng tulong sa Nazareno matapos pumanaw ang kanyang tatay.
Hiling ng nanay ni Bayani na maitaguyod niya ang anim na anak nang mamatay ang asawa na dininig naman ng Panginoon at mula noon, naging deboto na rin ang komedyante.

CHRISTOPHER DE LEON
Personal at aktibo ring dumadalo ang award-winning actor at showbiz icon na si Christopher De Leon sa mga kaganapan para sa Itim na Nazareno, kabilang na nga riyan ang Traslacion.

MELAI CANTIVEROS & JASON FRANCISCO
Matagal-tagal na ring deboto ang celebrity couple at talagang dumadalo sila sa misa sa Quiapo Church bilang bahagi ng kanilang panata sa Poong Nazareno.
"Happy Fiesta Viva! Poong Nazareno Thank you po sa lahat ng Blessings nyu po. mahal namin kayu! Kung may Me Time, Itu ang aming Our Time mag asawa!" ang Instagram post ni Melai.
The post Coco Martin, Angeline, McCoy, Renee Salud matindi ang kapit kay Jesus Nazareno appeared first on Bandera.

No comments: