Bong Revilla supporters nagprotesta: Kaisa mo kami!

NAGPAKITA ng suporta ang mga nagmamahal sa dating senador na si Ramon "Bong" Revilla Jr. na kasalukuyang sumuko sa National Bureau of Investigation kaugnay sa kinakaharap na kaso.
Nitong Martes, January 20, nagtipon-tipon at naghintay sa labas ng Sandiganbayan ang mga supporters ng dating senador.
Kanya-kanyang hawak ng mga placards ang mga tagasuporta ni Revilla na may kalakip na mensahe.
Karamihan sa mga nagtipon-tipon ay nakasuot ng puting damit at maayos na nakapila habang inaantay kung ang mga susunod pang mangyayari.
Baka Bet Mo: Pagsuko ni Bong Revilla dapat tularan ng ibang 'wanted person' – Nartatez
Ilan sa mga mensaheng makikita sa mga placards ay "Mahal ka namin Senator Bong Revilla" at "Kaisa mo kami sa laban na ito".
Matatandaang naglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest at hold departure order laban sa dating senador.
Nitong Lunes ng gabi, January 19, kusang sumuko si Revilla matapos siyang masampahan ng kasong non-bailable na malversation na may kaugnayan sa umano'y maanomalyang flood control projects.
Bago siya tuluyang sumuko sa Sandiganbayan naglabas ang dating senador ng pahayag sa pamamagitan ng isang video na ipinost sa kaniyang Facebook account.
"Nakatanggap po kami ng impormasyon na lumabas na ang aking warrant of arrest," panimula ni Revilla.
Pagpapatuloy pa niya, "Nakakalungkot po parang wala yatang due process. Pero gayunpaman, haharapin ko ito nang walang takot at alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos dahil wala po akong kasalanan dito."
Magugunitang noong September 2025 ay mariing pinabulaanan ni Revilla ang mga ibinabatong alegasyon laban sa kanya kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Ayon naman sa pahayag ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Henry Alcantara, sinabi umano ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na ang General Appropriations Act (GAA) insertions noong 2024 na nagkakahalaga ng ₱300 milyon ay inilaan para sa dating senador, na noon ay tumatakbo sa 2025 senatorial elections.
"I deny. Wala po akong kinalaman diyan," pagdedenay ni Revilla.
Matatandaang hindi siya pinalad na manalo sa nagdaang midterm elections noong May 2025.
The post Bong Revilla supporters nagprotesta: Kaisa mo kami! appeared first on Bandera.

No comments: