Cardinal David tinawag na power-porn paglalantad ng yaman, kapangyarihan

PATI sa mga misa sa simbahan ay nababanggit ng mga pari ang kontrobersyal na isyu tungkol sa mga maanomalyang flood-control projects sa bansa.
Ngayong Linggo, August 31, karamihan sa homily ng mga pari ay tumatalakay sa mas tumitindi pang problema ng Pilipinas sa korapsyon at nakawan sa iba't ibang ahensiya ng gobyerno.
Partikular na nga ang bilyun-bilyong piso na nakukulimbat ng ilang politiko at government contractors sa mga ghost flood-control projects sa National Capital Region.
Nito lamang Biyernes, August 29, hindi rin napigilan ni Cardinal Pablo Virgilio David na banggitin ang kontrobersyang ito sa kanyang misa.
Sa pamamagitan ng kanyang Facebook page, tinawag niyang kahalayan ang tungkol sa paglalantad ng ilang personalidad ng kanilang kayamanan sa oubliko na galing sa korapsyon at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Aniya, hindi katanggap-tanggap ang ipangalandakan ang mga bagay na dapat ikinahihiya pero isinasapubliko pa na ang tinutukoy nga ay ang mga corrupt officials, mga kontraktor at ang kanilang mga kapamilya.
"Mahalay ang tawag natin sa Tagalog kapag inilalantad ng tao sa publiko pati ang mga pribadong parte ng katawan at mga pribadong aktibidad sa kama.
"Mahalay, kapag ang dapat nilang ikahiya ay ipinagmamalaki pa, kapag ang dapat itinatago ay kusang inilalantad at ipinagyayabang pa," ani Cardinal David.
Pagpapatuloy pa niya, "Mahalay kapag ang lifestyle at ganitong paraan ng biglang pagyaman ay ginagawa pang huwaran ng pag-asenso sa buhay, kapag ang tiwaling kabuhayan ay itinuturing na halimbawa ng diskarte sa buhay."
Nabanggit din ng cardinal ang isyu sa online gambling kung saan matapang niyang sinabi na mismong ang gobyerno raw ang gambling lord.
"Lalong mahalay dahil legal na ang online gambling sa bawat cellphone 24/7, at ang gobyerno na mismo ang gambling lord," ani David.
"Tawagin natin itong power-porn o 'mahalay na paglalantad ng kapangyarihan.'
"At lalong mahalay dahil ang bayan, imbes na masuka ay pumapalakpak, nag-eenjoy, aliw na aliw na nanonood sa mga berdugong naka-bonnet at nakamaskara," dagdag pa ng cardinal.
The post Cardinal David tinawag na power-porn paglalantad ng yaman, kapangyarihan appeared first on Bandera.

No comments: