Taxi driver na nag-overcharge kay TXT Soobin iniimbestigahan, hinahanap ng LTFRB

INIIMBESTIGAHAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang taxi driver sa Cebu na nangikil sa Korean idol na si Soobin ng K-Pop group na Tomorrow X Together.
Sa ulat ng GMA News, sinabi ni LTFRB chairman Vigor Mendoza II na kumikilos na ang ahensya para matukoy at mahanap ang naturang driver.
"Pinapahanap ko na ang taxi at ma-suspend operations ASAP," sey niya sa isang text message.
Sinabi rin ni Mendoza na hindi lang administratibong kaso ang haharapin ng driver at operator kundi pati kriminal na reklamo.
Baka Bet Mo: Presyo ng Diesel posibleng sumirit ng P170/liter sa April 7; gas taas-presyo rin
"Enough is enough. Kung ayaw nila tumigil, starting today, sasampahan na rin natin ng kasong kriminal for violating the Public Service Act and estafa 'yung driver at operator. This is on top of the franchise violation. Impound rin ang sasakyan pending trial," paliwanag ng kalihim.
Magugunitang ibinahagi ni Soobin sa isang travel vlog ang kanyang karanasan kung saan siningil umano siya ng P1,000 para sa maikling biyahe mula airport papunta sa kanilang hotel.
Ang nasa app pa nga raw ay nasa P300 lang, pero nakiusap ang driver na gawing P500 hanggang sa naging P1,000 na ito.
Sa video, sinabi pa umano ng driver na "gas is very expensive."
Ngunit hindi na pumayag si Soobin sa huling hirit ng driver, kaya P500 lang ang kanyang binayad.
Samantala, iginiit naman ni Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), na hindi dapat gawing dahilan ang taas-presyo ng gasolina para maningil nang labis sa mga pasahero.
"Sa panahon ng crisis, mas mabigat dapat ang parusa sa mga nagsasamantala sa mga pasahero…Hindi dapat magsamantala ng pasahero, dayuhan man o Pilipino," wika niya.
"There are so many passengers that understand the plight of the drivers. Huwag na natin pagsamantalahan. Maaaring maintindihan natin bakit ginawa, pero di naman ito mag-e-exempt sa kanya sa penalty ng violation ng ginawa niya," sambit pa ng founder ng LCSP.
"We can understand them, but still he has to answer for what he did because those are the consequences of his actions na nagsamantala siya sa pasahero," dagdag niya.
Binalaan din ni Inton na maaaring makaapekto sa imahe ng bansa ang ganitong insidente lalo na kung nagiging viral.
Lahad pa niya, "Sigurado ba tayo na 'di niya ginagawa 'yan sa ibang pasahero niya? Nagkataon lang na nag-viral siya kasi [si Soobin] ang pasahero niya, but may assurance ba tayong 'di niya ginawa sa iba 'yan? 'Pag pinalampas natin 'yan, gagawin at gagawin niya."
"Mas marami pong pasahero ang mabibiktima. Sana mahuli na agad 'yan," panawagan niya.
Hindi na ito ang unang pagkakataon na may K-Pop artist na nagbahagi ng parehong karanasan sa Pilipinas.
Kung matatandaan noong 2022, ikinuwento rin ni Joshua Hong ng Seventeen na siningil siya ng P1,000 ng isang taxi driver sa Maynila.
Kinondena noon ng LTFRB ang naturang insidente at tinawag itong nakakadismaya at nakakahiya.
The post Taxi driver na nag-overcharge kay TXT Soobin iniimbestigahan, hinahanap ng LTFRB appeared first on Bandera.

No comments: