Noranians magre-reunion uli para sa babang-luksa ng pagpanaw ni Ate Guy
BUKAS sa lahat ng Noranians at mga nagmamahal sa Superstar at National Artist na si Nora Aunor ang magaganap na 1st Memorial Anniversary para sa kanya.
Eksaktong isang taon na bukas, April 16, ang nakalipas mula nang mamaalam ang showbiz icon na ipinagluksa ng sambayanang Pilipino hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bahagi rin ng mundo.
Kulay puti ang hinihiling na isuot ng mga dadalo sa paggunita ng unang anibersaryo ng pagkamatay ng ating National Artist for Film and Broadcast Arts.
Inaasahan ang pagdalo hindi lamang ng pamilya at mga kaibigan ni Ate Guy sa showbiz, kundi pati na rin ng mga Noranians sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City kung saan siya nakahimlay.
Base sa inilabas na imbitasyon para sa araw ng pagbababang-luksa sa pagyao ni Nora, isang misa ang magaganap sa kanyang puntod sa ganap na 10 a.m. ng April 16.
Susundan ito ng tanghalian sa Bulwagan ng Libingan ng mga Bayani, at bandang alas-3 naman ng hapon ang kapihan.
Ang mababasa sa nasabing imbitasyon, “We lovingly remember our dearest National Artist for Film and Broadcast Arts, Nora C.Villamayor on her 1st Memorial Anniversary.
“Join us as we honor her life and legacy.
“Kindly wear white as we gather in remembrance, gratitude and love.”
Sa isang panayam kay Ian de Leon, ang biological son nina Nora Aunor at Christopher de Leon, hindi raw isang selebrasyon ang magaganap bukas kundi isang reunion.
Nais daw ng kanilang pamilya na manatiling buhay ang magagandang alaalala ni Ate Guy sa lahat ng mga taong patuloy na nagmamahal sa nag-iisang Superstar.
Matatandaang sumakabilang-buhay si Ate Guy Miyerkules Santo noong nakaraang taon, habang naka-confine sa The Medical City, Pasig City.
Talaga namang dinagsa ng mga Noranians mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang kanyang burol sa Heritage Park, Taguig City.
Isang necrological service ang idinaos sa Metropolitan Theater Manila noong April 22, 2025, bago tuluyang ilibing ang kanyang labi sa sa Libingan ng mga Bayani.
The post Noranians magre-reunion uli para sa babang-luksa ng pagpanaw ni Ate Guy appeared first on Bandera.
Reviewed by pinoyako
on
April 16, 2026
Rating:

No comments: