Kelvin Miranda nahirapang rumampa sa fashion event habang nagluluksa
HABANG rumarampa sa isang fashion event kamakailan ay naiisip ng Kapuso hunk na si Kelvin Miranda ang biglaang pagpanaw ng ama.
Inialay ng “Encantadia Chronicles: Sang’gre” star ang pag-join niya sa Bench Fashion Week sa namayapang tatay kung saan inamin niyang napakahirap para sa kanya ang sumabak sa trabaho habang nagluluksa.
“Sa totoo lang, mahirap para sa akin lumakad ngayon kasi currently ang estado ng kalagayan ko ngayon ay medyo magulo ang isip ko dahil nasa insidente na na-encounter ko with my dad,” ang pahayag ni Kelvin sa panayam ng ABS-CBN.
Patuloy ng binata, “So, ayoko lang din mag-stay sa bahay kasi mas lalo ko siyang naiisip, mas lalo kong nararamdaman yung lungkot.
“Sabi nga niya. Kailangan dire-diretso ka lang, patuloy ka lang. Kumbaga, anumang dalhin mo, kailangan mo maging matapang. Yun yung natutunan ko sa kanya.
“Kaya ngayon, pinipilit kong ituloy yung aking sinimulan at lumakad ngayon nang matiwasay at sumunod sa kung ano mang kailangan kong gawin,” sabi pa ni Kelvin sa naturang panayam.
Binalikan ng binata ang araw nang malaman niya ang napakalungkot na balita, “Sobrang biglaan yung pangyayari. Tulog pa ako noon nu’ng nangyari siya. At hindi ko inaasahan na yung tawag sa akin na yun magiging masalimuot pala yung matatanggap kong balita.
“Hindi ko pa nalaman kaagad. Kasi ako yung unang sumaklolo sa pamilya namin dahil may tumawag sa auntie ko na sa emergency hotline, which is bihirang mangyari yan sa erpat ko.
“Kaya siyempre nangamba na ako. Inalam yung detalye kung ano yung nangyari, pero sinabi ng mga tumawag is mas mabuting puntahan na lang namin sa hospital,” pagbabalik-tanaw ni Kelvin.
“Nu’ng pagdating naman sa hospital, nahihirapan silang banggitin sa akin kung ano yung totoong nangyari at kung ano yung nakita nila. Kaya sinabi na lang din nila sa akin na doktor na lang yung magpapaliwanag.
“Hanggang sa nabalitaan ko nga yung balita na yun. Hindi ko inaasahan na marinig. Parang nawalan ako ng pakiramdaman. Naramdaman ko yung pagtahimik yung paligid.
“Hanggang sa para akong sumabog kasi napasigaw ako sa hospital sa pagkagulat,” pagbabahagi niya.
Iniisip na lamang ngayon ng Kapuso star na lahat naman ng tao ay mamamaalam at hindi natin ito kontrolado.
“Ganu’n naman talaga lahat naman tayo eh, lilisan. Nasa atin na lamang kung paano natin na dadalhin yung pagkakataon binigay sa atin ng Panginoon,” saad ng binata.
Pagpapatuloy niya, “Ang sa akin, gusto ko lang maging payapa siya at sana ay maging maayos ang kanilang kalagayan kung nasaan man siya ngayon. At patuloy niya akong gabayan kahit na wala siya sa tabi ng pamilya namin.”
Dagdag ng lead star ng seryeng “Sang’gre” about his dad, “Yung erpat ko eh, kritiko ko yan. Number one kritiko ko yan kasi kapag may napapansin siya na hindi naaayon, talagang pupunahin niya yan no matter what.
“Masakit man marinig, didiretsuhin ka talaga. Alam ko na masaya siya sa narating ko. Kahit paano naman, hindi naman sa (pagmamayabang), may nabago naman sa buhay namin. Kahit paano ay merong nangyari sa mga bagay na pinili ko,” saad ni Kelvin Miranda.
The post Kelvin Miranda nahirapang rumampa sa fashion event habang nagluluksa appeared first on Bandera.
Reviewed by pinoyako
on
April 28, 2026
Rating:

No comments: