₱32.92B Home loans ng Pag-IBIG, tumaas ng 9% sa unang quarter ng 2026
Tumaas sa ₱32.92 bilyon ang inilabas na home loans ng Pag-IBIG Fund sa unang tatlong buwan ng 2026—mas mataas ng 9% kumpara sa ₱30.22 bilyon sa parehong panahon noong nakaraang taon. Layunin nito na mas mapalawak ang access ng mga manggagawang Pilipino sa abot-kayang pabahay.
Sa kabuuan, 20,926 na bahay ang napondohan mula Enero hanggang Marso 2026, mas mataas kaysa sa 20,315 units noong unang quarter ng 2025.
Sa naturang halaga, ₱2.95 bilyon ang napunta sa socialized housing loans na nakatulong sa 3,439 na pamilya. Malaki ang itinaas nito—68% sa halaga at 92% sa bilang ng units—na nagpapakita ng patuloy na pagtutok ng ahensya sa mga miyembrong kabilang sa lower-income sector.
Kasabay ng pagtaas na ito, bumisita kamakailan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilang housing projects na pinondohan ng Pag-IBIG, kung saan personal niyang sinuri ang progreso ng mga pabahay at nakipagkita sa mga benepisyaryo na ngayon ay may sarili nang tahanan. Bahagi ito ng pagpapatupad ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ng administrasyon.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Ramon P. Aliling, ang pagtaas ng loan releases ay patunay ng unti-unting pagtupad sa direktiba ng Pangulo na palawakin ang access sa homeownership, kasabay ng pagpapasigla ng ekonomiya sa pamamagitan ng housing sector.
Dagdag niya, nakatutulong ang pabahay sa paglikha ng trabaho at sa paglago ng construction at iba pang kaugnay na industriya. Inaasahan din aniya na mas marami pang oportunidad sa pag-aari ng bahay ang mabubuksan, lalo na para sa mga underserved sectors.
Samantala, sinabi ni Pag-IBIG Fund CEO Marilene C. Acosta na patuloy ang ahensya sa pagbibigay ng abot-kayang monthly payments para matulungan ang mga miyembro na magkaroon ng sariling bahay, habang pinananatiling matatag ang pondo para sa mga susunod pang borrowers.
Aniya, kadalasan ay mas mababa pa sa renta ang buwanang hulog sa housing loan, kaya sa halip na mapunta sa upa ang gastos, nagiging puhunan ito sa sariling tahanan. Ang natitipid ay maaari pang magamit sa pagkain, edukasyon, pang-araw-araw na pangangailangan, at ipon tulad ng Pag-IBIG Regular Savings at MP2.
Binigyang-diin din ni Acosta na nananatiling matatag ang Pag-IBIG Fund dahil sa responsableng pagbabayad ng mga miyembro, na nagbibigay-daan upang mas marami pang pamilyang Pilipino ang matulungan na magkaroon ng sariling bahay.
ADVT.
This article is brought to you by Pag-IBIG Fund.
The post ₱32.92B Home loans ng Pag-IBIG, tumaas ng 9% sa unang quarter ng 2026 appeared first on Bandera.
Reviewed by pinoyako
on
April 30, 2026
Rating:

No comments: