Willie Revillame sa palibreng sakay: Walang bayad, ngiti n’yo lang, sapat na!

NAGLUNSAD ng "libreng sakay" si Willie Revillame para sa mga kababayan nating commuter na apektado sa sobrang taas na presyo ng langis.
Sa tulong ng kanyang mga kaibigan, 10 mini bus ang bibiyahe para magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero ngayong Semana Santa.
Sa official Facebook page ng programa ng veteran TV host na "Wilyonaryo", mababasa na ang layunin ng naturang proyekto ay mabawasan ang hirap ng mga pasahero.
Nais ni Willie na matulungan kahit sa maliit na paraan ang mga Pinoy na araw-araw nakikipagsapalaran sa lansangan para makapasok sa trabaho o paaralan, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Baka Bet Mo: Willie Revillame may handog na libreng sakay para sa commuters
"Libre. Walang bayad. Ngiti n'yo lang, sapat na," ang mababasa sa nasabing post.
Anila pa, malaki raw ang naging papel ng mga ahensiya ng pamahalaan sa pagsuporta sa proyekto.
Nagpasalamat ang TV host sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang pakikipagtulungan upang maisakatuparan ang programa.
Bilang paghahanda, personal pang sinubukan ni Kuya Wil ang mga mini bus sa pamamagitan ng pagro-road test para masiguro ang kaligtasan at kaayusan ng biyahe ng mga commuter.
"SA BYAHE NG BUHAY, KAMI AY INYONG KAAGAPAY! Kaya naman handog namin para sa inyo ang #WilyonaryoLibrengSakay!
"Sa pagtutulungan nina Kuya Wil at ng kanyang mga kaibigan, sampung mini bus ang aarangkada para ihatid kayo nang walang iniisip na problema. Libre. Walang bayad. Ngiti n'yo lang, sapat na!
"Sa panahon na kailangan magtulungan, nandito kami, inyong maaasahan. Maraming salamat po sa LTFRB at MMDA para sa inyong pagtanggap at suporta.
"Narito ang road test ni Kuya Wil, para masigurong maayos ang inyong paglalakbay. #WilyonaryoLibrengSakay, malapit na malapit na!"
The post Willie Revillame sa palibreng sakay: Walang bayad, ngiti n'yo lang, sapat na! appeared first on Bandera.

No comments: