Wacky Kiray kay Alvin Aragon: Kailangan mo nang magpatingin

HINDI na napigilan ng komedyanteng si Wacky Kiray at tuluyan nang tinalakan ang dating aktor na si Alvin Aragon.
Ito ay may kaugnayan sa mga binibitawan na pahayag ng asawa ni Izzy Trazona laban sa mga LGBTQIA+ community.
Sa kanyang Facebook page ay ibinahagi ni Wacky ang screenshot ng sinabi ni Alvin laban sa King of Talk na si Boy Abunda at ang pagsasabing dapat tanggalan na ito ng show.
"ALVIN ARAGON.. sobra ka na! dude!!! siguro kailangan mo na ng mag patingin grabe ka na mang husga.," panimula niya.
Baka Bet Mo: Fhukerat pumalag kay Wacky Kiray: Silence is better than spreading lies!
"Alvin, ang lakas mong magsalita na parang ikaw ang may hawak ng buong katotohanan. Pero ang totoo, hindi sukatan ng pagiging tama ang lakas ng boses o tapang ng paniniwala. Kung gagamit ka ng plataporma para mang-impluwensya, mas lalong kailangan ang responsibilidad—hindi pananakot, hindi panghuhusga, at lalong hindi pagtrato sa kapwa na parang mas mababa sila dahil lang iba sila sa'yo," pagpapatuloy ni Wacky.
Aniya, ang sinasabing "para sa kabutihan" ni Alvin ay tila salungat sa kanyang aksyon dahil sa paraan ng paghusga nito sa mga tao.
"Paano naging kabutihan ang pag-label ng tao bilang mali base lang sa kung sino sila? Hindi ba mas malinaw na kabutihan yung marunong umunawa, makinig, at rumespeto kahit hindi kayo pareho ng paniniwala?" sabi pa ni Wacky.
Pinaalalahanan rin niya si Alvin na hindi umiikot sa kanyang paniniwala ang lahat ng bagay at kung hindi niya ito kayang irespeto ay siya ang may problema.
Giit pa ni Wacky, "Kung talagang gusto mong maging ehemplo, simulan mo sa paraan ng pagsasalita mo. Dahil ang tunay na lakas, hindi nasusukat sa kung gaano ka kadiin manghusga—kundi sa kung paano mo pinipiling maging makatao sa kabila ng pagkakaiba.
"Hindi lahat ng sinasabi mong 'mali' ay mali—minsan hindi mo lang kayang tanggapin na hindi umiikot ang mundo sa'yo. haaaaaaaays kalooooka ka Tigil mo na yan liliit ang mundo mo."
The post Wacky Kiray kay Alvin Aragon: Kailangan mo nang magpatingin appeared first on Bandera.

No comments: