Sonny Trillanes kakasuhan sina Baligod, Defensor, 18 ex-marines

NAGTUNGO ang dating senador na si Antonio "Sonny" Trillanes IV sa Department of Justice (DOJ) para magsampa ng kaso laban kina Atty. Levito "Levi" Baligod, Mike Defensor, Jay Sonza, 18 na nagpakilalang miyembro ng Philippine Marines, at iba pa.
Nitong Huwebes, March 5, maghahain ng kasong perjury at cybelibel ang dating senador laban sa mga nasabing indibidwal dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa kanya.
Bukod sa mga nasabing personalidad, sasampahan rin ni Trillanes ng kaso sina dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy at pati ang vlogger na si Cathy Binag.
Matatandaang bago ang kanyang pagsasampa ng kaso ay sinabi ni Baligod na tumanggap umano si Trillanes ng halagang humigit-kumulang P112 million o $2 million mula kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co paea sa pag-aasikaso sa mga International Criminal Court (ICC) investigators.
Baka Bet Mo: Sonny Trillanes hinamon si Bong Go: Kasuhan mo rin ako!
Lahad ni Baligod sa naganap na press conference noong February 24, "Ibinigay kay Sonny Trillanes ang pondo para sa pag-asikaso sa mga ICC investigators na ito. Kaya naman po lahat ng sasakyan na ginamit, lahat ng hotel accomodations ay sinagot ni Zaldy Co at saka ni Sonny Trillanes."
Ang naturang pahayag ay pinabulaanan naman ng dating senador at sinabing hindi siya kailanman nakatanggap ng $2 milyon o kahit magkano mula kay Co.
Giit ni Trillanes, paraan lanang ito para sirain ang pagdinig ng ICC tungkol sa kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ngayon ay wala pant pahayag ang mga indibidwal na kasama sa sinampahan ng kaso ng dating senador.
The post Sonny Trillanes kakasuhan sina Baligod, Defensor, 18 ex-marines appeared first on Bandera.

No comments: