Mojtaba Khamenei bagong supreme leader ng Iran; tensyon patuloy sa Middle East

MAY itinalaga nang bagong supreme leader ang Iran makalipas ang siyam na araw matapos mapatay sa mga pag-atake ng Amerika at Israel si Ali Khamenei.
Ang bagong mamumuno sa nasabing bansa ay ang anak mismo ni Ali na si Mojtaba Khamenei.
Ang pagpili kay Mojtaba ay ginawa ng 88 miyembro ng Assembly of Experts, ang lupon na may kapangyarihang magtalaga ng pinakamataas na lider ng Iran.
Ito na ang ikatlong supreme leader ng bansa mula nang mangyari ang Iranian Revolution noong 1979.
Baka Bet Mo: Mga Pinoy sa Middle East pinag-iingat; Flights kanselado sa gitna ng tensyon
Sa isang anunsyo sa state television, binasa ng tagapagsalita ang pahayag ng Assembly of Experts sa tabi ng larawan ng 56-anyos na bagong lider, na sinasabing kamukhang-kamukha ng kanyang ama.
Mojtaba Khamenei "is appointed and introduced as the third leader of the sacred system of the Islamic Republic of Iran, based on the decisive vote of the respected representatives of the Assembly of Experts", sey sa statement na iniulat ng INQUIRER.
Ayon pa sa pahayag, hindi nag-atubili ang mga clerics sa pagpili ng bagong lider kahit may banta mula sa Estados Unidos at Israel.
Nag-ugat ang tensyon matapos mapatay si Ali sa pinagsamang pag-atake ng Estados Unidos at Israel, na nagpasiklab ng mas malawak na digmaan sa Middle East.
Samantala, nauna nang tinawag ni US President Donald Trump na "lightweight" ang nakababatang Khamenei at iginiit na dapat may papel ang Amerika sa pagpili ng bagong lider ng Iran.
"If he doesn't get approval from us he's not going to last long," banta ni Pangulong Trump sa ABC News bago pa ianunsyo ang bagong supreme leader.
Una na ring nagbabala ang militar ng Israel sa magiging kapalit ni Ali na "we will not hesitate to target you".
Si Mojtaba Khamenei ay isang kleriko na kilala ring malapit sa Revolutionary Guards, ang makapangyarihang sangay militar ng Iran.
Inaasahang ipagpapatuloy niya ang matigas na paninindigan ng kanyang ama laban sa mga kritiko ng pamahalaan.
Agad ding nagpahayag ng suporta ang Revolutionary Guards sa bagong lider.
Sa isang pahayag, sinabi ng Revolutionary Guards Corps na handa silang sumunod at magsakripisyo para sa bagong pinuno.
Habang nagaganap ang pagbabago sa pamumuno ng Iran, patuloy naman ang mga pag-atake sa rehiyon.
Naglunsad ang Israel ng airstrike sa limang oil facility sa paligid ng Tehran noong Linggo ng madaling araw.
Apat na katao ang nasawi at nagkaroon ng malalaking sunog na nagdulot ng makapal na usok sa kalangitan.
Ayon sa gobernador ng Tehran, pansamantalang naapektuhan ang distribusyon ng fuel sa kabisera.
Patuloy rin ang palitan ng pag-atake sa iba't ibang bansa sa Middle East.
Iniulat na naglunsad ng panibagong missile attack ang Iran sa Israel kung saan may mga pagsabog na narinig sa Tel Aviv.
Ayon sa emergency services, anim na katao ang nasugatan.
May mga nasugatan din sa Bahrain matapos tamaan ng projectile ang bansa na nagsisilbing base ng US Navy's Fifth Fleet.
Sa Lebanon naman, apat ang namatay at 10 ang nasugatan matapos bombahin ng Israel ang isang hotel sa Beirut, kung saan umano nagtitipon ang ilang commander ng Revolutionary Guards.
Samantala, sinabi ng health ministry ng Iran na hindi bababa sa 1,200 sibilyan ang nasawi at halos 10,000 ang nasugatan sa digmaan.
Patuloy namang nagbabala ang Iran na kaya nitong ipagpatuloy ang drone at missile attacks sa loob ng hanggang anim na buwan.
The post Mojtaba Khamenei bagong supreme leader ng Iran; tensyon patuloy sa Middle East appeared first on Bandera.

No comments: