Chavit Singson humiling na tumestigo sa flood control projects

PORMAL na humiling si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na tumestigo sa pagdinig ng Senado ukol sa maanomalyang flood control projects.
Nagpadala ang dating gobernador ng request letter kay Senate President Tito Sotto nitong March 16 kung saan ipinahayag niyang handa siyang humarap at magsumite ng affidavit na naglalaman ng mga impormasyong may kinalaman sa imbestigasyon.
Matatandaang nauna na ring nasabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na nagpadala sa kanya si Chavit ng liham na nagsasaad ng kanyang pagnanais na maging testigo sa Blue Ribbon Committee.
"Sabi ko, yes… if you're testifying on the flood control projects, then we will schedule a hearing," pagbabahagi ni Lacson sa isang panayam noong Martes, March 17.
Baka Bet Mo: Chavit Singson naghahanap ng pakakasalan: Kahit sino basta mabait!
Lahad ni Lacson, nagtakda ang komite pansamantala ng isa pang pandinig sa April 14 ngunit aniya, may tsansa pa itong mas mapaaga.
"Magbi-break kami starting Thursday or Friday. Kung agad-agad tatawag ng hearing baka nasa vacation mode pa… baka ako lang mag-isa 'yung andiyan," dagdag pa ni Lacson.
Nang tanungin kung ipapatawag ang 18 dating Marines na nauna nang nagsabing nag-deliver ng P805-B cash sa ilang opisyal ng gobyerno, sinabi ni Lacson na hati ang mga miyembro ng komite kung ipapatawag ang mga ito sa susunod na pagdinig ng komite.
"May mga gustong ipatawag pero mas marami yung wag nang ipatawag kasi magugulo yung hearing. Sabi ko nga ilapit lang ng konti sa katotohanan, why not?" ani Lacson.
The post Chavit Singson humiling na tumestigo sa flood control projects appeared first on Bandera.

No comments: