3 residente sa Masbate patay matapos kumain ng butete

HINDI na naisalba ang buhay ng tatlong katao matapos malason dahil sa inalmusal umanong butete o puffer fish.
Ang mga naiulat na pumanaw, ayon sa mga otoridad ay pawang mga residente ng Barangay Maihao, Cawayan, Masbate.
Nangyari ang insidente ng pagkalason nitong nagdaang Linggo ng umaga, March 22, nang makakain umano ang mga biktima ng butete.
Ayon sa ulat, nakaranas ng matinding sintomas ang mga residente ilang minuto matapos makakain ng naturang isda.
Mabilis namang isinugod ang mga nakakain ng butete sa Cawayab District Hospital kabilang ang ilang bata kung saan lima sa mga ito ang ligtas na habang tatlo nga ang nasawi.
Kasunod nito, muling nagpaalala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 5 (BFAR-5) na huwag kakainin ang "tikong" o pufferfish dahil sa taglay nitong lason na tinatawag na tetrodotoxin.
Ang nasabing lason ay hindi naaalis kahit pa lutuin (prituhin o pakuluan) ang naturang isda.
Ayon pa sa BFAR, ang tetrodotoxin ay direktang umaatake sa nervous system ng isang tao, na nagdudulot ng pamamanhid, paralisis, at pagkamatay.
"Ang puffer fish o butete/tikong, gayundin ang goby fish o biya/mulog, ay nagtataglay ng mapanganib na lason na tinatawag na tetrodotoxin na maaaring magdulot ng pamamanhid, pagbabara ng mga ugat, at pagkaparalisa ng mga kalamnan na posibleng humantong sa kamatayan," ang paalala ng BFAR.
Dagdag pa ng ahensiya, "Alinsunod sa Fisheries Administrative Order No. 249, Series of 2014 na ipinalabas ng Department of Agriculture, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta, pamamahagi, at pagkonsumo ng butete sa anumang anyo, sariwa man o naproseso, dahil sa mataas nitong toxicity o lason."
Bukod dito, ipinagbabawal din ang pagbebenta, pamamahagi, at pagkain (sariwa man o naproseso at naluto na) ng goby fish o biya/mulog batay sa Fisheries Administrative Order No. 249, series of 2014.
The post 3 residente sa Masbate patay matapos kumain ng butete appeared first on Bandera.

No comments: