Romualdez nanawagan sa Lakas-CMD: magkaisa, bilisan priority bills ni PBBM

NANAWAGAN si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez sa mga miyembro ng Lakas-CMD na magkaisa at bilisan ang pagpasa sa mga priority bills ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr..
Binigyang-diin ni Romualdez na ang pangunahing pokus ng partido ay gawing ganap na batas ang mga programa ng Pangulo sa pamamagitan ng disiplina at maayos na kooperasyon sa loob ng Kamara.
Ayon kay Romualdez, nakatutok ang Mababang Kapulungan sa kanilang tungkulin sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Bodjie Dy, na siyang nangunguna sa pag-usad ng mga panukalang inirekomenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Sinabi rin niya na ang pagtutulungan ng partido at ng kasalukuyang liderato ay mahalaga upang matugunan ang mabigat na trabaho sa Kamara at masigurong maipatutupad nang maayos ang mga layunin ng administrasyon.
Binigyang-diin din ni Romualdez ang mahalagang papel ni House Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos sa pagpapanatili ng ugnayan sa pagitan ng House leadership at ng majority bloc.
Aniya, ang ganitong klaseng kolaborasyon ay kailangan para sa mabilis at organisadong pagpasa ng mga batas.
Bilang kinatawan ng unang distrito ng Leyte, muling ipinangako ni Romualdez ang kanyang dedikasyon sa paggawa ng mga makabuluhang batas na magsusulong ng inklusibong pag-unlad at proteksyon sa kapakanan ng publiko.
"Bilang mga mambabatas, pangunahing responsibilidad natin ang magpasa ng mga batas na direktang magpapabuti sa buhay ng ating mga kababayan," ani Romualdez.
"Todo ang suporta ng Lakas-CMD sa legislative priorities ng Pangulo at handa kaming makipagtulungan kay Speaker Bodjie Dy at sa lahat ng lider ng mga partido sa Kamara.
"Sa limitadong oras na mayroon tayo, ang pinakamahalaga ay manatili tayong nakapokus sa mga batas na magbibigay ng tunay na benepisyo sa mga Pilipino—ito ang paraan upang makatulong tayo sa pagbuo ng isang mahalagang legasiya para sa administrasyong ito," sabi pa ng mambabatas.
The post Romualdez nanawagan sa Lakas-CMD: magkaisa, bilisan priority bills ni PBBM appeared first on Bandera.

No comments: