Mon Confiado hindi na mawawala pagmamahal kay Ynez: Hanggang kamatayan

NAPAKASWERTE ni Ynez Veneracion sa kanyang ex-partner na si Mon Confiado dahil talagang pinanindigan nito ang pagiging father figure sa panganay niyang anak.
Parang tunay na anak na ang turing ng premyadong aktor sa anak ni Ynez na si Princess Keilah pati na sa bunso ng aktres na si Jianna Kyler na inaanak din ni Mon.
Alam ng aktor ang mga pinagdaraanan ni Ynez bilang nanay at palagi siyang nakaalalay at nakasuporta rito mula noon hanggang ngayon kahit matagal nang natapos na ang kanilang halos dalawang dekadang relasyon.
Sa panayam kay Mon ng media, natanong siya kung ano ang lagi niyang ipinapayo bilang tatay-tatayan ni Keilah, lalo't nabibiktima ito ng bullying.
"Malaki po ang moral support ko. Halos araw-araw, pinapayuhan ko siya. Lahat ng mga puwedeng kumbaga magpatatag sa kanya. Mula sa pagdarasal hanggang sa pagmamahal ng kanyang mga magulang.
"Sabi ko nga, minsan, kahit iyong mga pinakamagaganda o iyung mga pinakamatatalino, binu-bully, e. So parang lalo na sa generation ngayon, sa social media, parang kalakaran na nila iyan, e.
"So dapat masanay na siya. Pero hindi ibig sabihin na magpalamon ka doon sa pangmamata, paninira, o pambu-bully sa iyo.
"Siyempre mas kilala mo iyong sarili mo, mas kilala namin siya as her parents. Lahat ng moral support, nandoon ako.
"At sabi ko nga, 'Nasa tabi mo lang ako palagi. Lagi kitang dadamayan kahit na ano pa man iyan. Basta iyung daddy mo, nasa side mo lang palagi.'
"Para malagay lang sa isip niya na kung ano man, kung pinipintasan man siya ng mga tao, merong laging taong pupuri sa kanya all the time," ang tuluy-tuloy na sabi ni Mon.
Nagkuwento rin ang aktor kung paano siya napamahal nang husto sa panganay ni Ynez.
"Sira ulo ako noong kami (ni Ynez), inaamin ko iyan. Imagine, nagkaroon ka ng boyfriend, 17 years.
"Walang planong maganda. Hanggang 17 years, mag-girlfriend-boyfriend pa rin kayo, di ba? Siguro nabuwisit siya sa akin, di ba?
"At noong time na iyun, ayokong magkaanak, ayoko kumbaga na magkaroon ng responsibilities. Happy-go-lucky lang iyong thinking ko noon. Kasi, typical.
"Pero noong dumating si Princess Keilah, iyong panganay niya, total twist. Nagbago iyon, 180 degrees," ani Mon.
Patuloy niya, "Dati ayoko ng mga bata, naguguluhan ako. Pero noong napamahal ako sa anak niya, sobrang sensitive na ako sa mga bata ngayon.
"Konting makakita ako ng mga bata, naaapektuhan ako agad. So binigay niya sa akin iyung pagiging magulang, iyong fatherhood.
"Nagamit ko rin iyan sa pagiging artista ko. Kumbaga, siguro siya iyung naging parang ano ko, e, pagsisisi. Na hindi ako nag-anak.
"Hanggang ngayon, wala akong anak. Kaya siya iyung parang nagpabago ng buhay ko. Nagpabago ng pananaw ko. At nagpaseryoso sa akin bilang tao," esplika pa ng character actor.
At sa tanong kung may nararamdaman pa siyang pagmamahal para kay Ynez, "Sabi ko nga, hindi mawawala iyun. Imagine, nakasama mo iyong tao nang maganda nang 17 years.
"Kahit nga mag-asawa, I don't think na pag naghiwalay iyun… puro galit na lang, di ba? Hindi na mawawala iyung pagmamahal ko kay Ynez hanggang kamatayan," sabi ni Mon.
The post Mon Confiado hindi na mawawala pagmamahal kay Ynez: Hanggang kamatayan appeared first on Bandera.

No comments: