2 impeachment complaints vs VP Sara hawak na ng Speaker’s office

NAPADALA na kahapon, February 5, sa opisina ni House Speaker Bojie Dy III ang inihaing dalawang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay ayon mismo kay House Secretary General Cheloy Garafil.
Nangangahulugan na maaaring ipasa na ito ni Dy sa House Committee on Rules, na ibibigay ito sa Justice Committee sa plenaryo.
Ang mga hakbang ay alinsunod sa 1987 Constitution, sabi ni Garafil.
Baka Bet Mo: Sara Duterte nakahanda sa mga bagong impeachment complaints: No surprise
Ang unang impeachment complaint laban kay Duterte ay inihain ng Makabayan coalition at inendorso nina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago, at Kabataan Party-list Rep. Renee Co.
Inakusahan nila ng "betrayal of public trust" si Duterte dahil sa maling paggamit ng confidential funds at hindi pagkilala sa kapangyarihan ng Kongreso na suriin ang paggamit nito ng pondo.
Samantala, nagsampa din ng impeachment complaint ang mga progresibong grupo kasama ang civil society groups na inendorso naman nina Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima at Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña.
Base sa reklamo, nilabag ni Duterte ang Saligang Batas bukod sa pagkakasangkot sa korapsyon at sa mga hakbang para patalsikin ang gobyerno, hindi maipaliwanag na yaman, at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Sinabi naman ng kampo ni Duterte na inaasahan na nila ang pagsasampa muli ng impeachment complaints matapos matapos ang one-year ban sa paghahain nito na nakatakda sa Saligang Batas.
The post 2 impeachment complaints vs VP Sara hawak na ng Speaker's office appeared first on Bandera.

No comments: