Robin Padilla may pa-signature campaign kay Duterte: ‘Tay, kami naman!

PINANGUNAHAN ng aktor at public servant na si Sen. Robin Padilla ang isang signature campaign para sa pagpapalaya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang naturang hakbang ay sinimulan ng mga tagasuporta ni Duterte para tuluyan na itong mapalaya na kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, The Netherlands dahil sa kasong "crimes against humanity."
Sa kanyang Facebook page, nag-post si Sen. Padilla ng kanyang litrato kung saan makikita sa kanyang pisngi na may nakasulat na "BRING HIM HOME DU30."
Ayon sa asawa ng TV host na si Mariel Rodriguez, personal at mapayapa ang nasabing signature campaign at wala itong bahid ng politika.
Sabi pa ni Robin, na kilalang kaalyado ng pamilya Duterte, layunin ng naturang hakbang na ipakita sa dating pangulo ang patuloy na suporta at pasasalamat sa mga nagawa niya para sa Pilipinas.
"Tay' Kami naman! Signature campaign. Mapayapa po ito, hindi pulitika bagkus ay personal na pagpapakita ng suporta at hindi nagmamaliw na pasasalamat sa mga nagawa sa Inangbayan ng ating 80 taong gulang na dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte," ang caption sa FB post ni Padilla.
Nauna rito, ibinalita naman ng anak ni Digong na si Davao City. Rep. Paolo "Pulong" Duterte ang tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng ama sa loob ng ICC detention center.
Kasama ni Pulong na dumalaw kay Duterte sa The Hague ang kapatid na si Veronica "Kitty" Duterte. Aniya, hindi pa raw nakakakain ng tanghalian ang ama nang dumating sila.
"Long hair na siya, wala na nagkaon paniugto kay natulog lang siya whole morning until nag-abot mi didto pa nagbango," sabi ng kongresista.
The post Robin Padilla may pa-signature campaign kay Duterte: 'Tay, kami naman! appeared first on Bandera.

No comments: