PAGASA ibinandera na ang mga pangalan ng bagyo sa 2026

MAY bagong pangalan na ang mga bagyo ngayong 2026!
Inilabas na kasi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang opisyal na listahan ng mga bagyong inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong taon.
Ayon sa ahensya, ang mga pangalan ng bagyo ay nakaayos at iniikot kada ilang taon.
Para sa 2026, ito ang mga pangalan na gagamitin kapag may bagyong pumasok sa PAR:
Ada, Basyang, Caloy, Domeng, Ester, Francisco, Gardo, Henry, Inday, Josie, Kiyapo, Luis, Maymay, Neneng, Obet, Pilandok, Queenie, Rosal, Samuel, Tomas, Umberto, Venus, Waldo, Yayang, at Zeny.
Baka Bet Mo: Bagyo 101: Ang ultimate guide para hindi ma-confuse sa klase ng bagyo, wind signals
Paliwanag ng PAGASA, kapag lumampas sa 25 ang bilang ng mga bagyong papasok sa PAR sa isang taon, gagamitin naman ang tinatawag na auxiliary names.
Narito ang mga reserbang pangalan: Agila, Bagwis, Chito, Diego, Elena, Felino, Gunding, Harriet, Indang, at Jessa.
Nauna nang sinabi ng weather bureau na inaasahang may dalawa hanggang walong tropical cyclone ang papasok sa PAR sa unang kalahati ng 2026.
Dagdag pa ng ahensya, mas maraming bagyo ang pumapasok sa sakop ng Pilipinas kumpara sa ibang bahagi ng mundo.
Sa rehiyong kinaroroonan ng bansa, tinatayang 20 tropical cyclones ang nabubuo kada taon, at humigit-kumulang walo hanggang siyam dito ang direktang tumatawid sa Pilipinas.
Pinakamainit pa rin ang panahon ng bagyo mula Hulyo hanggang Oktubre, kung kailan nabubuo ang halos 70% ng lahat ng bagyo sa bansa.
The post PAGASA ibinandera na ang mga pangalan ng bagyo sa 2026 appeared first on Bandera.

No comments: