Bagong pangulo, iba pang opisyal ng SPEEd pinangalanan

HINIRANG ng grupong Society of Philippine Entertainment Editors o SPEEd ang bagong pangulo at iba pang opisyal nito kasabay ng pagsisimula ng 2026.
Inihalal ng grupo si Tessa Mauricio-Arriola, lifestyle at entertainment editor ng The Manila Times, bilang bagong presidente.
Pinamumunuan na ngayon ni Mauricio-Arriola ang organisasyong nagsimula bilang isang social club ng mga entertainment editors mula sa mga pambansang broadsheet, nangungunang tabloid, at mga pangunahing online portal.
Isa sa nagtatag ng SPEEd ay ng yumaong Manila Standard entertainment editor na si Isah V. Red, na nagsilbi ring president emeritus ng grupo. Ang SPEEd din ang nasa likod ng award-giving body na Entertainment Editors' Choice o The EDDYS.
"Sa aming bagong hanay ng mga opisyal, nais naming sumulong ng may matapang na pananaw, ngunit kasabay nito ay manatiling tapat sa mga pinahahalagahang palaging gumagabay sa SPEEd at patuloy na sumusuporta sa direksiyong pinaniniwalaan ng grupo," ani Mauricio-Arriola.
Kasama niya sa bagong hanay ng mga opisyal sina Maricris Valdez-Nicasio ng Hataw (bise presidente—internal) at Gerardine Trillana ng Malaya Business Insight (bise presidente—external).
Sina Ervin Santiago ng Inquirer Bandera at Rohn Romulo ng People's Balita ay nahalal na mga kalihim, habang sina Dondon Sermino ng Abante TnT at DWAR1494 at Anna Pingol ng Pika-Pika at Pilipino Star Ngayon ay magsisilbing mga ingat-yaman. Si Jerry Olea ng PEP ay itinalaga naman bilang auditor.
Ang mga inihalal na PRO ng grupo ay sina Nickie Wang ng Manila Standard, Neil Ramos ng Tempo, at Janice Navida ng Bulgar.
"Habang pumapasok tayo sa isang bagong kabanata, nananatili tayong nakatuon sa pagsuporta sa mga komunidad at sa pamamagitan ng taunang EDDYS, patuloy na pinararangalan ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula na siyang dahilan kung bakit posible ang mga makabuluhang kuwentong ito," dagdag ni Mauricio-Arriola.
Ang beteranong mamamahayag na si Nestor Cuartero ng Tempo, Manila Bulletin, at The Market Monitor ay patuloy na nagsisilbing tagapayo ng SPEEd.
Kabilang sa mga miyembro ng konseho ng mga nakaraang pangulo sina Ian Fariñas ng People's Tonight, Eugene Asis ng People's Journal, at Salve Asis ng Pilipino Star Ngayon at PangMasa.
Ang iba pang miyembro ay kinabibilangan nina Dinah Sabal Ventura ng Daily Tribune, Jun Lalin ng Abante, Nathalie Tomada ng The Philippine Star, Bobby Requintina ng Manila Bulletin, Dindo Balares, retiradong editor ng Balita, at Rito Asilo, retiradong editor ng Philippine Daily Inquirer.
The post Bagong pangulo, iba pang opisyal ng SPEEd pinangalanan appeared first on Bandera.

No comments: