Vice Ganda ibinandera sa Showtime panukala ni Bam na pababain ang VAT
IBINIDA ni Vice Ganda sa “It’s Showtime” ang panukalang-batas ni Sen. Bam Aquino na pababain ang ipinatutupad na Value-Added Tax (VAT) sa bansa.
Natanong ng TV host-comedian sa “Laro Laro Pick” segment ang isang contestant tungkol sa Senate Bill No. 2047 ni Sen. Bam na naglalayong ibaba ang VAT sa mga produkto at serbisyo mula 12 porsyento tungo sa 10 porsyento – para sa pagkakataong manalo ng P100,000.
“Para makatulong sa middle class sa gitna ng tumitinding crisis, nag-file ng Senate Resolution (Bill) si Senator Bam Aquino na magpapababa ng VAT mula twelve percent to ten percent.
“Naririnig mo ba yung salitang, yung term na VAT? Binabayaran natin ‘yan araw-araw. Maya’t maya araw-araw, ‘di ba?” sabi ni Vice sa contestant.
“Iyon, ‘di ba, iyong buwis, yung VAT, ‘di ba? Yung T doon ano tax. ‘Di ba? V-A-T. Yung T, tax. Yung VAT na sinasabi natin, ang tanong ko simple lang. Ano yung V sa VAT?” dagdag pa niya.
Gayunman, hindi nasagot nang tama ng contestant ang tanong ni Vice Ganda. Ang VAT ay may kahulugan na Value-Added Tax.
Pinuri rin ni Vice Ganda si Sen. Aquino sa paghahain ng panukala, at sinabing makatutulong ito sa pagpapababa ng presyo ng mga produkto at serbisyo, kabilang ang mga produktong petrolyo.
“Si Senator Bam Aquino, maganda tong naisip niya. Iyong nag-file siya ng Senate Bill 2047 that seeks to reduce VAT on goods and services, including petroleum products. ‘Di ba? Makakabawas-bawas. Maganda ‘yan,” ani Vice Ganda.
Sa kanyang panukala, sinabi ni Sen. Aquino na makapagbibigay ito ng medium at long-term solutions upang maprotektahan ang middle class mula sa epekto ng krisis sa Middle East at iba pang posibleng krisis sa hinaharap.
Sa pamamagitan ng pagpapababa ng VAT, sinabi ng senador na makatutulong ang panukala upang maibsan ang pasanin ng mga consumer —lalo na ang middle class na hindi nakakakuha ng tulong mula sa pamahalaan—sa gitna ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang bilihin dulot ng nagpapatuloy na oil crisis.
Tumayo si Sen. Aquino bilang co-author at co-sponsor sa Senado ng Republic Act No. 12316, na nagbibigay sa Pangulo ng emergency powers upang suspindihin o bawasan ang excise taxes sa mga produktong petrolyo.
Noong Hulyo 8, 2025, ilang araw matapos manungkulan bilang mambabatas, naghain si Aquino ng Senate Bill No. 265 na naglalayong alisin ang excise taxes sa diesel, kerosene, liquefied petroleum gas (LPG), fuel oil, at unleaded gasoline sa ilalim ng TRAIN Law.
The post Vice Ganda ibinandera sa Showtime panukala ni Bam na pababain ang VAT appeared first on Bandera.
Reviewed by pinoyako
on
April 28, 2026
Rating:

No comments: