Legarda: Food security, pamanang kulinarya tampok sa Buwan ng Kalutong Pilipino
SINABI ni Sen. Loren Legarda na ang Buwan ng Kalutong Pilipino, na ipinagdiriwang tuwing Abril, ay nagbibigay-diin sa ugnayan ng seguridad sa pagkain at pamanang kultural.
Bukod diyan, ipinapakita rin daw nito kung paano pinatatatag ang mga pamilyang Pilipino at komunidad sa gitna ng nagbabagong panahon.
“Ang Buwan ng Kalutong Pilipino ay paalala na ang pagkain ay higit pa sa sustansiya. Ito ay kultura, alaala, at lakas. Ang pangangalaga sa ating mga magsasaka at mangingisda ay nagsisiguro na ang mga pamilya ay patuloy na makapagsasalo sa hapag nang may dignidad at pag-asa,” sey niya.
Ang pagdiriwang ngayong taon ay may temang “Connected by Taste: Filipino Food in the Flavors of ASEAN,” kasabay ng pagho-host ng Pilipinas ng ASEAN Summit.
Baka Bet Mo: Legarda pinalalakas ugnayan ng Kongreso, Bangsamoro; tulak reporma sa edukasyon
Ayon kay Legarda, ipinakikita ng temang ito kung paano pinag-uugnay ng lutuing Pilipino ang mga tao sa iba’t ibang kultura at pinatitibay ang kooperasyon sa pamamagitan ng magkakatulad na lasa at tradisyon.
Binanggit din niya ang unang pagpili ng Michelin Guide 2026 para sa Manila, Environs, at Cebu bilang isang makasaysayang sandali para sa gastronomiyang Pilipino.
Isang restaurant sa Makati ang ginawaran ng dalawang Michelin stars, walong restaurant sa Makati, Taguig, Parañaque, at Cavite ang nakatanggap ng tig-iisang bituin, 25 establisimyento ang ginawaran ng Bib Gourmand, at 74 pa ang kinilala bilang Michelin Selected.
Sa kabuuan, 108 establisimyento ang nasuri, na nagpapakita ng lawak at lakas ng kainan sa bansa.
“Sa wakas ay natitikman na ng mundo ang matagal na nating alam na ang pagkaing Pilipino ay nagkukuwento ng ating pinagmulan, mula kabundukan hanggang baybayin, mula sa sipag ng ating mga magsasaka hanggang sa saya ng ating mga pamilya,” wika ni Legarda.
Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Culture and the Arts, naghain si Legarda ng Senate Bill No. 822 o ang Philippine Culinary Heritage Act, na naglalayong institusyonalisahin ang pangangalaga at promosyon ng mga tradisyong kulinarya. Itinatatag ng panukala ang Committee on Philippine Gastronomy and Culinary Heritage sa ilalim ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) upang magsagawa ng culinary mapping, suportahan ang mga lokal na prodyuser ng pagkain, at tiyakin ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Pagkaing Pilipino.
Dagdag pa ni Legarda, ang parehong adhikain sa seguridad sa pagkain ang gumabay sa kanyang pagsusulong ng panukalang Bayanihan 3: Power to the People Act, na naglalayong magbigay ng direktang suporta sa mga sambahayan sa panahon ng krisis pang-ekonomiya.
Kabilang sa panukala ang tulong-pagkain para sa mga pamilyang mababa ang kita, upang matiyak na nananatili ang sapat na pagkain at pamanang kultural kahit sa gitna ng mga pagsubok.
“Malapit sa aking puso ang pagkain dahil madalas akong kumukuha ng mga sangkap mula sa sarili kong bakuran,” pagbabahagi ni Legarda.
Aniya pa, “Sa panahon ng pagsubok, ipinaaalala ng mga pagkaing ito kung sino tayo – matatag, madiskarte, at nagkakaisa. Ang hapag ng Pilipino ay nananatiling lugar ng sustansiya, kultura, at lakas na patuloy na nagbubuklod sa ating bayan.”
The post Legarda: Food security, pamanang kulinarya tampok sa Buwan ng Kalutong Pilipino appeared first on Bandera.
Reviewed by pinoyako
on
April 15, 2026
Rating:

No comments: