NSC nasakote 3 defense personnel na umano’y espiya ng China

ARESTADO ang tatlong defense personnel na umano'y nag-espiya para sa China!
Ayon sa National Security Council (NSC), itinuturing itong isang "serious national security matter," lalo na't konektado ang tatlo sa Department of National Defense, Philippine Navy, at Philippine Coast Guard.
Sinabi rin ni NSC spokesperson Cornelio Valencia na nagbigay umano ang mga ito ng listahan ng mga military personnel at iba pang sensitibong impormasyon sa kanilang Chinese handlers.
Kabilang din umano sa ibinahaging impormasyon ang operational details tungkol sa resupply missions sa South China Sea, kung saan madalas na nagkakaroon ng tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas sa mga nakaraang taon.
Baka Bet Mo: Chinese national na may Interpol hit, natimbog sa NAIA
"There was co-optation over a period of time," sey ni Valencia kaugnay ng mga ginawang pagsisikap upang mahikayat ang mga defense personnel, na inilarawan niyang mga low-level analysts.
Kwento pa niya na iniulat ng INQUIRER, "At the start, you are not aware. And then you're surprised they're already asking you for sensitive data."
"At the end of the day, it's always money," aniya pa.
Hindi pinangalanan ni Valencia ang tatlong suspek, ngunit sinabi niyang nakikipagtulungan na ang mga ito sa gobyerno upang matiyak na hindi na mauulit ang ganitong insidente.
Sa inilabas na pahayag ng NSC kamakailan lang, sinabi nitong "addressed and terminated" na ang operasyon na umano'y isinagawa "at the behest of Chinese intelligence," ngunit hindi nagbigay ng karagdagang detalye tungkol sa alegasyon ng espionage.
"For reasons of national security, we cannot discuss identities, methods, or timelines so as not to jeopardize ongoing operations," ayon sa ahensya.
Wika pa, "Nonetheless, necessary actions have been taken against the individuals concerned—all Filipino nationals—who have all confessed their complicity in espionage activities and are cooperating with authorities."
Hindi naman agad nagbigay ng pahayag ang Chinese Embassy sa Maynila nang hingan ito ng komento.
Binanggit din sa pahayag ng NSC ang ulat ng Rappler na unang nagbalita tungkol sa umano'y pagtatangkang mangalap ng impormasyon ng mga Chinese handlers tungkol sa maritime deployments at resupply missions sa South China Sea.
Noong nakaraang taon, ilang Chinese nationals na rin ang naaresto sa Pilipinas dahil sa umano'y espionage activities.
Noong Abril, isang Chinese national ang nahuli habang gumagamit ng surveillance device malapit sa tanggapan ng Commission on Elections ilang araw bago ang midterm elections.
Ayon sa mga awtoridad, gumagamit umano ito ng "Imsi (international mobile subscriber identity) catcher," isang device na kayang gayahin ang cell tower at makahuli ng mga mensahe sa loob ng 1 hanggang 3 kilometro.
Noong February 2025, dalawa ring Chinese nationals ang naaresto matapos umanong gumamit ng parehong device habang umiikot sa mga sensitibong lugar ng gobyerno at militar sa Maynila.
Samantala, sinabi ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na may nadiskubre ring aktibidad na kinasasangkutan ng ilang Pilipino na posibleng konektado sa "foreign-directed malign activities."
Ayon kay Padilla, nakikipagtulungan na rin ang mga ito sa mga imbestigador.
Sa panayam sa mga reporter sa Camp Aguinaldo, sinabi rin niya na may mga indibidwal na umano'y nagtatangkang hikayatin ang dating miyembro ng AFP na magsilbing "consultants or advisers" sa mga operasyong may koneksyon sa dayuhan.
Dagdag pa niya, nagbabago na rin ang mga paraan ng espionage dahil sa paggamit ng makabagong teknolohiya tulad ng Imsi catchers at advanced mapping systems.
Matagal na umanong iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng espionage network, kung saan nagtutulungan ang iba't ibang ahensya ng gobyerno upang matukoy at mapigilan ang operasyon nito.
Sa Malacañang naman, sinabi ni Palace press officer Claire Castro na nakarating na kay Pangulong Bongbong Marcos ang ulat ng NSC.
Pinaalalahanan din ang lahat ng government personnel na manatiling alerto at maging maingat sa paghawak ng sensitibong impormasyon ng gobyerno.
"Monitor your offices, protect the government's sensitive information, and ensure that it is not compromised by actors who may pose a threat to national security," aniya.
The post NSC nasakote 3 defense personnel na umano'y espiya ng China appeared first on Bandera.

No comments: