Meralco nagsusulong ng dagdag 73% singil sa distribution, wrong timing ata?!

KAWALAN ng katiyakan sa suplay at presyo ng enerhiya ang dala ng digmaan sa pagitan ng Estados Unidos-Israel at Iran.
Dahil sa kaguluhan at pagkagambala ng pandaigdigang kalakalan, tiyak na tataas ang presyo ng kuryente, pamasahe, at mga pangunahing bilihin.
Mula Enero hanggang unang linggo ng Marso, P6.70 kada litro na ang itinaas ng gasolina, P9.40 sa diesel, at P7.70 sa kerosene.
Nag-abiso na rin ang Department of Energy na P17 hanggang P24 kada litro pa ang itataas ng mga ito ngayong linggo.
Baka Bet Mo: Mojtaba Khamenei bagong supreme leader ng Iran; tensyon patuloy sa Middle East
Kaya naman talagang nakapagtataka na sa mga panahong tulad nito ay isinusulong ng Meralco na payagan ito ng Energy Regulatory Commission (ERC) ng karagdagang 73% sa distribution charge na P2.34 kada kWh mula sa P1.3522 lang ngayon.
Ayon sa Meralco, ang dagdag na taripa ay upang pondohan ang P272 billion na budget mula Hulyo 2026 hanggang Hunyo 2030 para sa pagpapalawak ng network, system reliability, cybersecurity, baterya, at pati na rin mga programang customer choice at electric vehicles.
Hindi ba't ipinagmamalaki nila ngayon na nakamit ang kanilang P50 billion profit target? Sa gayon ay bakit sa ordinaryong konsumer pa sinisingil ang para sa mga programang customer choice at electric vehicles na wala namang kinalaman sa kanilang pang-araw-araw?
Matatandaan na katatapos lang din ng Meralco magtaas ng singil mula P12.9508/kWh noong Enero patungong P13.1734 sa Pebrero.
Dahil na rin sa inflation na bitbit ng digmaan sa Middle East, maganda rin tanungin kung naaangkop pa ba ngayong taon ang ika-limang Green Energy Auction (GEA) para sa proyektong offshore wind?
Kamakailan, inaprubahan ng ERC ang P11/kWh na ceiling o maximum price para sa offshore wind, o mga turbina na nakalagay sa dagat.
Ito'y hamak na mas mataas sa P3.56 kada kWh ng WESM, ang pambansang pamilihan at subastahan ng kuryente, noong Enero.
Ano ang probabilidad na kailanganing itaas pa ang ceiling price na P11 dahil sa inaasahang pagtaas ng halaga ng commodities?
Mahal na nga ang offshore ngunit mas magmamahal pa ang mga materyales at serbisyo upang mabuo ang mga ito.
May bidder pa kaya na bababa sa P11? Ano kaya ang kahihinatnan nito, lalo na't inaasahan na matapos ang mga proyekto mula 2028 hanggang 2030? Alalahanin na mawawala ang mga insentibo ng GEA kung hindi sila aabot sa napag-usapang petsa.
Kung tataas pa nga sa P11/kWh ang offshore wind, tama ba na igapos ang Pilipinas sa mataas nitong presyo sa loob ng 20 na taon ang saklaw ng mga kontrata ng power supply? Maaring huminahon na ang tensyon sa Middle East at maging normal ang suplay at presyo ng enerhiya ngunit patuloy pa rin ang mataas na presyo ng kuryente sa bansa dahil sa obligasyon natin sa offshore wind.
Ayon sa mga ulat sa balita, Pilipinas ang magbabayad ng pinaka-mahal para sa proyektong offshore wind sa buong mundo.
Umaabot sa P2 hanggang P3 kada kWh ang pagkakaiba ng presyo na inaprubahan ng ERC kumpara sa presyo nito sa mga karatig bansa.
Hinde kaya't mas naaayon na isantabi muna ang proyektong offshore wind hanggang sa panahong abot-kaya na ang presyo nito?
The post Meralco nagsusulong ng dagdag 73% singil sa distribution, wrong timing ata?! appeared first on Bandera.

No comments: