Joaquin Arce bilib sa todo-suporta ni Angel Locsin: ‘Pinagtanggol ako ni Darna!’

LABIS ang pasasalamat ni Joaquin Arce sa kanyang stepmom na si Angel Locsin matapos itong magpakita ng matinding suporta sa kanya sa kanyang journey sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0".
Recently lang nang magtapos ang nasabing season at si Joaquin ang itinanghal na Third Big Placer.
Sa guesting niya sa "Fast Talk with Boy Abunda" kamakailan lang, ikinuwento ng young actor kung gaano siya na-touch sa ginawang pagtatanggol sa kanya ng aktres, na kilala rin bilang si Darna.
"Grabe 'yung nag-stop siya ng hiatus just to defend me. Pinagtanggol ako ni Darna. 'Diba, parang wow, I'm so grateful for her, and I really couldn't have done it without her," pagmamalaki ni Joaquin.
Baka Bet Mo: Joaquin Arce sa hearing condition niya: 'Superpowers ko siya!'
Ayon pa sa rising actor, hindi lang basta stepmom ang turing niya sa aktres kundi parang tunay na ina na rin.
"Parang second mom ko po siya. She's my mentor, and she also gives me advice in life," dagdag niya.
Bilang fan din ni Angel, aminado si Joaquin na pangarap niyang makatrabaho ang aktres balang araw pero gusto muna niyang patunayan ang sarili bago mangyari iyon.
"I feel like I have to deserve to act in a movie with her. I feel like I have to deserve to work with her," saad niya.
Patuloy niya, "I mean, come on, she's the best. I can't act with the best unless I am along those lines, so I want to deserve to work with her. I have to work to that point."
Hindi rin ito ang unang pagkakataon na nabanggit ni Joaquin ang posibilidad na makatrabaho ang stepmom.
Noong contract signing niya sa Star Magic noong July 2025, sinabi niyang nais muna niyang hasain ang sarili bago mapatunayan ang kanyang sarili.
Matatandaang naging very vocal si Angel sa pagsuporta sa stepson sa buong PBB journey nito.
Kamakailan lang ay ipinagtanggol pa niya si Joaquin matapos itong tawaging "nepo baby" ng ilang netizens sa X (dating Twitter).
"Bihira lang akong mag social media ha, pero nagulat ako sa comments ng ilang tao dito. Ano namang kasalanan ni Joaquin at naging asawa ko ang dad niya para ma-brand sya as nepo baby?" wika ni Angel sa kanyang post.
Si Joaquin ay anak ng film producer na si Neil Arce at dating beauty queen na si Sunshine Samson.
Matatandaang ikinasal si Angel kay Neil noong 2021.
The post Joaquin Arce bilib sa todo-suporta ni Angel Locsin: 'Pinagtanggol ako ni Darna!' appeared first on Bandera.

No comments: