Duterte hindi pa palalayain ng ICC; apela tinanggihan

MANANATILI sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos tanggihan ang kanyang hiling na pansamantalang palayain.
Ayon sa desisyon ng Appeals Chamber nitong March 6, walang bagong dahilan para baguhin ang utos ng Pre-Trial Chamber I na manatili siya sa kustodiya.
Iginiit ng mga abogado ni Duterte na nagkamali ang mababang korte nang hindi isinaalang-alang ang medical report mula sa mga doktor ng depensa.
Ayon sa kanila, ipinapakita ng report na ang kalusugan ni Duterte kasama ang umano'y problema sa pag-iisip ay hindi kasing delikado gaya ng sinasabi ng korte.
Baka Bet Mo: Kitty Duterte walang balak pasukin ang politika sa 2028
Ngunit sinabi ng Appeals Chamber na hindi napatunayan na may epekto sa desisyon ang umano'y pagkakamali.
"If the relevant chamber committed such an error, the Appeals Chamber will only intervene if the error materially affected the decision impugned on appeal," sey sa desisyon.
Dagdag pa ng korte, hindi nito babaguhin ang pagsusuri ng mababang korte maliban kung ito ay hindi makatuwiran.
Tungkol naman sa kalusugan ni Duterte, sinabi ng Appeals Chamber na isinasaalang-alang na ito ng Pre-Trial Chamber at umasa sa ulat ng mga court-appointed medical experts na nagsuri sa kanya noong December 2025.
"The Appeals Chamber finds that the Defence has failed to establish any errors of the Pre-Trial Chamber in relying upon the Panel's Reports which provide the most updated medical information in respect of Mr Duterte's health condition," saad sa ruling.
Tinanggihan rin ng Appeals Chamber ang mga argumento na naresolba na sa nakaraang apela.
"The Appeals Chamber finds that such a practice is not an appropriate use of judicial time and resources. Accordingly, the Appeals Chamber will not entertain the Defence's arguments in this respect," dagdag pa nito.
Dahil dito, pinagtibay ng Appeals Chamber ang desisyon na manatili si Duterte sa kustodiya habang nagpapatuloy ang kaso.
Naaresto at isinuko si Duterte sa ICC noong March 12, 2025 matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kanya noong March 7, 2025 dahil sa crimes against humanity na naganap sa Pilipinas mula November 1, 2011 hanggang March 16, 2019.
The post Duterte hindi pa palalayain ng ICC; apela tinanggihan appeared first on Bandera.

No comments: