True ba, Sylvia Sanchez tatakbong mayor ng QC sa Eleksyon 2028?

KUMAKALAT ngayon ang chikang naghahanda na raw ang premyadong aktres na si Sylvia Sanchez sa pagpasok niya sa politika.
Ang balita, plano umanong tumakbo ni Sylvia sa Eleksyon 2028 sa pagka-mayor ng Quezon City.
Ayon sa ina ni Cong. Arjo Atayde, hindi niya alam kung saan nanggagaling ang mga ganitong klase ng balita at kung sino ang nagpapalutang nito sa publiko.
"Paano ako magme-mayor ng QC, e, hindi nga ako naging kagawad," ang pahayag ng actress-producer nang makapanayan ng media sa contract signing ng mga bagong talents ng kanilang Nathan Studios Artists Management noong February 3.
"Magme-mayor ako kaagad ng QC? Ano ba yun? Mag-kagawad muna ako. Start muna sa mababa, di ba?
"Hindi nga ako nag-SK, e. Kagawad, kapitan, ganu'n, di ba? Bago mag-mayor," aniya pa.
Samantala, ang mga pumirma ng kontrata sa Nathan Studios ay ang mga batang may Down Syndrome na bumida sa pelikulang "I'mPerfect" na nanalong Best Picture sa Metro Manila Film Festival 2025.
"Akala ko, ang calling ko, politics, hindi pala. Ito pala. Kasi ang tagal na ito sa puso ko na alam ko meron…nararamdaman ko kasi na meron talagang grupo na matutulungan ko, may ganu'ng calling.
"May misyon na…kasi nagtataka ako, ilang beses ako na nagkasakit, walang nangyari. Ito pa rin, buhay. May misyon. Ano yung misyon? Ito pala yun," aniya.
Feeling ng veteran actress, nais daw ng Panginoon na maging tuluy-tuloy ang pagtulong niya sa mga persons with Down syndrome.
"Habang ginagawa ko yung movie, nu'ng binigay sa akin ni Direk Sigrid (Andrea Bernardo) yung script, wala pa. Sabi ko, 'Ay! Gusto ko itong gawin.'
"But for the whole year na ginagawa namin, October 2024 hanggang August 2025, pumasok na, e. So, I think, eto na talaga. Ito na yung calling ko.
"Then after nanalo lahat kami last Metro Manila Film Festival, nanalo lahat. Biglang nag-Best Picture, okay na, ito na yun," sabi pa ni Ibyang.
"Hindi na mahiwa-hiwalay yung bata sa akin. Tapos ang daming mga block screening. Ang dami pa nilang ginagawa, until now. Hindi talaga kami maghihiwalay.
"Tapos, lalaban pa kami ng mga kung anu-anong festival. Tapos meron din dito sa Pilipinas. So buong taon, magkakasama. So sabi ko, e, sila pala talaga yung misyon ko," sey ni Sylvia.
The post True ba, Sylvia Sanchez tatakbong mayor ng QC sa Eleksyon 2028? appeared first on Bandera.

No comments: